TALIWAS sa paniwala ng isang wanted na koronel, hindi madaling paniwalain ang mga mapanuring Pilipino sa mga kwentong barbero. Ganun din sa husgado kung saan tinitimbang ang mga ebidensya, testimonya at kredibilidad ng mga testigo.
Sa pagpapatuloy na teleserye sa kongreso, biglang sinalang ang nagngangalang Eduardo Acierto, isang dating pulis na may ranggong koronel para magbahagi ng kanyang nalalaman sa malaking sindikato sa likod ng kalakalan ng droga sa bansa.
Natatangi ang pagsalang ni Acierto sa quad committee ng Kamara. Kung gaano kahigpit ang quad comm sa mga inanyayahan resource persons, siyang luwag naman kay dismissed Police Col. Acierto. Wala siya sa bulwagan at marahil walang nakakaalam sa kanyang kinaroroonan.
Dumalo sa pagdinig si Acierto sa tulong na makabagong teknolohiyang higit na kilala sa tawag na zoom.
Pero bakit nga ba pumayag ang quad comm sa online presence ng prisintadong testigo?
Ang sagot — wanted siya sa husgado kaugnay ng mga kasong kriminal, kabilang ang P11-billion drug smuggling sa Manila International Container Port (MICP), gayundin sa pagbebenta ng hindi bababa sa 1,000 high-powered firearms sa mga terorista, pagdukot at pagpatay sa isang Koreano.
Kung susuriin ang kanyang pagkatao, walang dudang nakakatakot si Acierto. Pero dahil wala pa naman hatol ang hukuman, mananatili siyang inosente hangga’t hindi pa napapatunayan ng korte ang kanyang pagkakasala.
Yun mismo ang kanyang iniiwasan, ang maaresto at mabilanggo hanggang sa maglabas ng desisyon ang husgado. Katwiran ni Acierto na may P10-milyong patong sa ulo, wala siyang pagkakasala.
Fast forward tayo. Nagsimulang magkwento si Acierto. Giit ng puganteng police colonel, isang tao lang ang Hong Kong national na Lin Wei Xiong at Allan Lim na dawit sa drug smuggling, batay sa isang intelligence report na siya mismo ang gumawa.
Ang masaklap, hilaw ang intelligence report ni Acierto, ayon mismo kay dating PDEA Director Wilkins Villanueva. Anang PDEA chief, kwento lang ng hindi tinukoy na impormante ang inilahad ni Acierto sa kanyang isinumiteng intelligence report.
Ipagpalagay natin totoong ang kanyang sapantaha. Bakit hindi siya lumantad para magsampa ng kaso o tumayong testigo?
Ang sagot – batid niyang hindi lulusot sa husgado at maging sa kongreso ang kanyang kwentong barbero.
Sa madaling salita, mananatiling walang kredibilidad si Acierto maliban na lang kung siya’y susuko, haharap sa mga nakasampang kaso hanggang sa maabswelto ng husgado.
Kung tunay na wala siyang ginawang masama at labag sa umiiral na batas, bakit puro na lang siya iwas? Batid ni Acierto ang totoo at alam din niyang madidiin siya sa mga kinakaharap na kaso.
Sa karuwagan ni Acierto, nawala ang paghanga ko sa mga unipormado.
