NI LILY REYES
SA pag-upo ni Brig. Gen. Anthony A. Aberin bilang bagong hepe ng National Capital Regional Police Office (NCRPO), bitbit niya ang diskarteng malupit na nagsisilbing panuntunan sa kanyang pamumuno — ang AAA Framework halaw sa unang letra ng kanyang pangalan, apelyido ng ina at apelyido ng ama.
Ayon kay Aberin, nakatutok ang estratehiyang AAA sa pagpapatupad ng batas at pagsunod sa mga wastong pamamaraan sa operasyon ng pulisya. Sa madaling salita, hindi na uubra ang diskarteng bantay-salakay.
Ang bawat letra ng AAA Framework ni Aberin kumakatawan sa Able, Active and Allied, pambungad na reporma sa mga opisyal ng pulisya tungo sa kahusayan, pagiging maaasahan, at madaling lapitan.
Bahagi rin ng AAA Framework ang pag-iwas sa krimen. Target ni Aberin hulmahin ang kakayahan ng mga pulis sa tulong ng mga wastong kagamitan, akmang teknolohiya, at transparency sa lahat ng operasyon kontra kriminalidad.
Kasama rin sa AAA Framework ni Aberin ang ang intelligence-driven operations laban sa krimen, pero hangga’t maaari maiwasan ang kriminalidad sa bisa ng police visibility.
Para iwas-bulilyaso at tiyakin hindi basura ang mga kasong isinampa ng pulisya sa husgado, tututukan din ni Aberin na nasusunod ang wastong pamamaraan sa operasyon hanggang sa paghahain ng asunto.
Sa ganang akin, maganda ang panimula ni Aberin.
Bago pa man itinalaga ssa NCRPO si Aberin, madalas bulilyaso ang mga police operation dahil sa kwestyunableng paraan ng pagsalakay, kawalan ng warrant, kakulangan sa dokumentasyon, at iba pang nakasaad sa PNP operational manual.
Hindi na rin nakakapagtaka na marami sa mga kasong inihain sa piskalya, agad na binabasura, kaya ang mga kriminal agad nakakalaya.
May babala rin si Aberin sa kanyang mga kabaro — pananagutin ang mga pulis sa paglabag sa mga alituntunin. Pero syempre, kailangan dumaan sa tinatawag na due process.
Bahagi rin ng adyenda ni Aberin hikayatin ang iba’t ibang sektor na sumama sa kolektibong pagkilos tungo sa isang layunin: tiyakin ang kaayusan, kapayapaan at kaligtasan sa Metro Manila.
Yan ang tama! Kudos kay Brig. Gen. Aberin!
