NAKAKAKABA itong isang malaking problemang nakaamba sa sektor ng agrikultura dahil sa paparating na El Niño.
Ayon sa PAGASA, magsisimula ang El Niño sa ikatlong quarter ng 2023 o Hulyo hanggang Setyembre at tatagal sa susunod na taon.
Siguradong pangunahing apektado nito ay ang mga nagtatanim ng mga palay at ang kasunod, pagtaas na naman ng presyo ng bigas.
Para daw mapaghandaan itong problemang paparating, muling binuhay ng Department of Agriculture ang El Niño task force bilang tugon sa pagpasok ng panahon ng tag-init, ang katumbas nito ay maglalaan na naman ng katakot-takot na pondo ang kagawaran para dito.
Narito ang ilang mga pangunahing plano ng task force na pasusuwelduhin ng taumbayan para masigurong may laman ang ating sikmura ngayong panahon ng El Niño:
Magtatanim ng uri ng palay na “drought-resistant,”, ia-adjust ang planting calendar pati na ang pagsasagawa ng cloud-seeding operations at tututukan ng task force ang pag-streamline sa pondo ng mga proyekto, pagpapagawa ng mga irigasyon, pagtitipid sa tubig at iba pa.
Kung papaano nila gagawin ang plano, hindi natin alam.
Pero sa usapin ng bigas, hindi naman daw tayo dapat kabahan dahil ang Pangulo na mismo ang nagbigay ng garantiya.
Tiniyak po kasi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na “in good shape” ang suplay ng bigas sa bansa at walang kakapusan sa mga darating na buwan. Ang pahayag na ito ay ginawa ng Pangulo sa pagpupulong sa Malakanyang kasama ang Department of Agriculture at National Food Authority.
Ang good news pa nga ni PBBM ay unti-unti nang lumalakas ang ani ng mga magsasaka at nakababalik na sa pre-pandemic levels.
Sa DA 2023 supply outlook, nasa 16.98 milyong metrikong tonelada ang total suplay ng bigas at sapat daw ito para matugunan ang 15.29 milyong metrikong toneladang demand para sa buong taon hindi pa kasama ang mahigit 1 milyong
metrikong toneladang buffer stock.
Sabi ni PBBM, mukha naman daw maganda ang sitwasyon natin pagdating sa suplay ng bigas at ginagawa ang lahat ng paraan para ma-control ang presyo at mapigilan ang pagmahal nito sa merkado.
Pero alalahanin natin na bigas pa lang ang pinag-uusapan natin dito. Nakasalalay din sa DA ang magiging sitwasyon ng laman ng ating mga hapag kainan araw-araw.
Ibig sabihin meron tayong kanin, eh papaano ang ULAM?
….
Mukhang nasabik ang mga debotong Katoliko sa Alay-Lakad nitong nakalipas na Holy Week na umabot umano sa mahigit limang milyon katao ang umakyat sa Antipolo — pinakamalaki daw sa kasaysayan.
Mabuti na lang at handa rin ang ating mga masisipag na kawani ng Pamahalaang Panglungsod at kaagad nalinis ang mga naiwang kalat ng mga deboto.
Congratulations.