
SA paghirang ng bagong regional police director sa Calabarzon, marami ang nagtatanong – may yagbols ba si Brig. Gen. Kenneth Lucas para sagupain ang malalaking sindikato ng mga ilegal na pasugalan sa nasasakupang rehiyon?
Para sa mga deboto at residente ng bayan ng Padre Garcia sa lalawigan ng Batangas, si Heneral Lucas ang susi para mabuwag ang salot na pasugalan nina NONIT at TISOY.
Sa naturang tambalan, papalaot si NONIT sa mundo ng pulitika sa hangaring protektahan ang kanilang bonggang delihensya. Batay sa rekord ng Comelec, naghain ng kandidatura si NONIT para Kapitan sa Barangay Poblacion.
Bakit nga naman hindi… kakampi naman daw niya kasi si Celsa Braga-Rivera na di umano’y isa sa kanilang mga ‘isponsor.’
Sa sandaling makalusot si NONIT, next target naman daw niya ang masungkit ang pwesto ng Pangulo ng Association of Barangay Chairman para sa instant pwesto sa lokal na konseho.
* * *
Bagyo ang dating ng isang alyas JEFF sa Batangas. Kanyang ipinangangalandakan ang paghirang sa kanya ni Batangas PNP Director Col. Samson Belmonte bilang nag-iisang kolektor ng lingguhang payola mula sa mga illegal gambling operators sa naturang probinsya.
Pero sa aking pagtatanong sa mga kasangga sa loob ng panlalawigang pulisya, isang opisyal sa S2 na mas kilala sa pangalang Jonathan Garote ang nagbigay ng basbas kay JEFF para umikot at lumikom ng ganansya – hindi lang daw para sa PNP kundi pati sa hanay ng mga tagapagbalita!
May katotohanan kaya ang mga kumakalat na balita? Kung ako si Col. Belmonte, si JEFF akin agad ibabalde para pasinungalingan ang usap usapan hinggil sa bulilyasong diskarte mula sa mga ilegalistang nagpapalakad ng mga pasugalan kabilang ang jueteng (na nakakubli sa STL), bookies, paihi at saklaan.
Ang masaklap, kinamkam ng ng dalawang damuho (alyas Jeff at Garote) ang nalikom na pera – tumataginting na P600,000 lingguhang delihensya mula sa operasyon ng bookies, paihi at sakla. Oops, sa mga barangay ng Bawi at San Felipe pa yun ha.
Sa madaling salita, nabukulan nila si Belmonte at ang mga pinangakuang media.
At ang alkalde ng Padre Garcia – hayun deadma, kaya ang suspetsa ng madla meron din siyang napapala.
* * *
Usong-uso talaga ang laglag-pangalan sa ngalan ng delihensya. Katunayan, kaladkad ng isang alyas Jon-jon ang pangalan ni Cavite Provincial Police chief Col. Elieuterio Ricardo Jr. sa kabi-kabilang koleksyon sa hanay ng mga ilegalista sa naturang probinsya.
Sumbong ng isang kasangga ng Kalawit, tumataginting na P50,000 kada linggo ang payolang kinokolekta ni Jon-jon kina Dencio na operator ng saklaan sa Indang, Epi ng Mendez at Maricin ng Naic, Cavite.
Ang masaklap, bukol din ang lakad ni Jon-jon. Sa madaling salita, bulag sa koleksyon ni Jon-jon ang Cavite PNP director na una nang nagbigay-babala sa mga sindikato sa likod ng mga ilegal na pasugalan sa nasasakupang lalawigan.
Sa kanyang unang araw sa pwesto bilang provincial police chief, nanindigan si Col. Ricardo sa mahigpit na implementasyon ng ‘no-take’ at ‘one strike policy’ batay sa direktiba ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda.
Gayunpaman, hindi malayong matulad siya sa dating Cavite PNP Provincial Director na si Col. Christopher Olazo na nalaglag sa pwesto kaugnay ng pinagawang four-door apartment na katas di umano ng lingguhang payola.