
MAS mabilis pa sa 14-oras na biyahe mula sa Maynila hanggang Langley Airport sa Canada ang pagkalat ng ‘balita’ hinggil sa di umano’y pagkakakulong at deportation ni dating Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rodolfo Azurin.
Bagamat retirado na sa serbisyo, muling sumentro si Azurin sa kontrobersiyang para sa akin ay isang walang kwentang kwentong kutsero sa panulat ng isang tsismoso.
Himayin natin ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari. Lumipad patungo sa bansang Canada si Azurin para sa personal na lakad. Paglapag pa lang ng eroplanong kanyang sinakyan, sinalubong agad ang retiradong heneral ng Canadian Immigration.
Dito pa lang, malinaw na inabangan si Azurin – marahil dahil may nagtimbre sa kanyang pagdating, kalakip ng mga intrigang sa kanya ay magdidiin.
Hindi pa man tapos ang interogasyon kay Azurin, may nagkalat ng balitang kinagat naman ng isang pahayagan. Ang resulta, umusok ang social media ng samu’t saring sapantaha, alegasyon at depensa – hanggang sa lumutang ang pangalan ni PNP Deputy Chief Lt. Gen. Rhodel Sermonia.
Sa kanyang Facebook account, todo deny si Sermonia na itinuturong lumikha ng kontrobersiyang sukdulang yumanig sa pambansang pulisya.
Kung babalikan ang nakaraan, naging magkatunggali sina Azurin at Sermonia sa pinakamataas na pwesto sa pambansang pulisya. Sa kumpas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., itinalaga si Azurin bilang PNP chief.
Matapos ang 10 buwan, bumaba sa pwesto si Azurin sa bisa ng Republic Act 6975 na nagtatakda ng mandatory retirement pagsapit ng ika-56 na kaarawan ng isang pulis – kesehodang heneral o isang hamak na patrolman.
Muling napabilang ang pangalan ni Sermonia sa mga nominado para sa posisyon ng PNP chief. Pero sa pangalawang pagkakataon, muling nabigo si Sermonia sa pinapangarap na pwesto. Sa puntong ito, lalong lumabo ang posibilidad na maging PNP chief si Sermonia na nakatakdang magretiro sa Enero ng susunod na taon.
Kung tutuusin, wala dapat puwang ang hidwaan sa loob ng kapulisan – lalo pa’t magkaklase at sabay nagtapos sina Azurin at Sermonia sa Philippine Military Academy. Kapwa sila dumanas ng matinding hirap bilang bahagi ng pagsubok at pagsasanay na nagsilbing bigkis ng kapatiran.
Bukod sa magkaklase (PMA Makatao Class of 1989), magbilas din sina Azurin at Sermonia. Tama… magkapatid ang kanilang asawa, kaya naman hindi angkop na ibilad sa kahihiyan ang isa’t-isa.
Siya nga pala, naglabas na rin ng pahayag ang gobyerno ng bansang Canada. Anila, fake news ang kumalat (at inilimbag) na balita.
Pero ang kontrobersiya, patok pa rin sa social media na para bang may mga taong patuloy na lumilikha ng mga bagong intriga. Hanggang kailan nila planong yanigin ang pambansang pulisya? Hanggang sa tuluyang gumuho ang integridad ng PNP?
Hindi nakakapagtaka kung wala pa rin tiwala ang mamamayan sa pulisya. Dangan naman kasi, pati ang PNP pinupulitika. Dahil sa letseng pangarap, lahat na lang hinahamak!