
MATAPOS ang biyahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Saudi Arabia para sa Association of Southeast Asian Nations-Gulf Cooperation Council (ASEAN-GCC) Summit na ginaganap sa Riyadh, ibinida ng Palasyo ang $4.26 bilyong investment agreement na bunga ng paglilibot ng Pangulo.
Kabilang sa mga itinampok ng Palasyo ang pagpasok ng Al Rushaid Petroleum Investment Company at Samsung Engineering NEC Co. Ltd. na anila’y lilikha ng 15,000 trabaho, bukod pa sa kasunduan sa Al-Jeer Human Resources Company-ARCO na magpapasok diumano ng $3.7-bilyong remittances ng mga Pilipinong bibigyan ng trabaho sa naturang bansa.
Kapuna-puna ang pagbibigay-halaga ni Marcos sa mga dayuhang kumpanya habang naiiwan naman sa kangkungan ang mga negosyanteng Pinoy.
Katunayan, nakuha pang subain ng Ericsson Telecommunications Inc. na subain ang isang maliit na kontratistang Pinoy na namuhunan at gumawa ng sandamakmak na trabahong ipinasa ng dayuhang kapitalista.
Ang Ericsson ay isa sa mga tinaguriang foreign investor na inimbitahan ng gobyerno sa Pilipinas para magnegosyo.
Sa 34-pahinang dokumentong nakalap mula sa tanggapan ng Department of Justice (DOJ), sinampahan ng kasong estafa ang walong opisyales – kabilang ang tatlong banyagang sina Martin Wiktorin, Jesmin Ehsan, Johan Kvist and Wee Tiong Ng. Pasok sa kasong panunuba ang mga kasapakat na Pilipinong sina Emerson Clemena, Jose Michael Hernal, Charis Heidi Ibarra and Roderick Reodica na pawang nakabase sa bonggang opisinang matatagpuan sa Bonifacio Global City sa lungsod ngTaguig.
Nag-ugat ang paghahain ng kasong kriminal matapos tumanggi ang Ericsson bayaran ang Pinoy subcontractor para sa “system integration, structured cabling, civil works, electrical services” sa mga sikat na malls, pribadong ospital, malalaking kumpanya at pribadong paaralan kung saan nakasungkit ang dayuhang kumpanya ng bonggang kontrata.
Batay sa reklamo ng kumpanyang pag-aari ng isang Pinoy, hindi umano siya binayaran ng tumataginting na P54 milyon para sa mga natapos na proyekto mula taong 2020 hanggang 2023 sa kabila pa ng kontrata.
Ang nakakalungkot, nabaon sa utang ang kawawang Pinoy na ang tanging hangad ay magnegosyo.
Batay sa Revised Penal Code, parusang kulong ang naghihintay sa mga negosyanteng manunuba.
Pero tila bantulot ang piskalya na isampa sa husgado ang idinulog na reklamo.
Napapanahon na para sa Pangulo bigyan proteksyon ang mga Pilipino laban sa mga dorobong kumpanyang nagpapanggap na investor.
Sa lalong madaling panahon, dapat tuldukan ng gobyerno ang ang pagpasok ng mga dayuhang kumpanya sa Pilipinas para lang kumuha ng malalaking kontrata… tapos ipagagawa sa mga Pilipinong kalaunan ay hindi rin naman binabayaran ng mga banyagang damuho.
Isa lang ang malinaw – niloloko na tayo sa loob mismo ng ating sariling teritoryo!
…………