HINDI na bago ang eskandalo sa gobyerno. Katunayan, tila yan na lang ang palaging inaabangan ng mga Pilipinong hangad ay pagbabago sa tulong ng imbestigasyon ng Senate Committee on Accountability of Public Officers and Investigations na mas kilala sa tawag na Blue Ribbon ng Senado.
Pero teka. Ano nga ba ang Blue Ribbon Committee? Ang Blue Ribbon na binubuo ng 17 miyembro ang isa sa pinakamatikas na komite sa Senado. Dangan naman kasi, Blue Ribbon ang nagsisilbing check and balance sa gobyerno.
Bahagi ng kapangyarihang saklaw ng Blue Ribbon ang mag-imbestiga sa mga iregularidad sa mga tanggapan ng pamahalaan at maging ang mga taong tinatawag na lingkod-bayan sa hangaring kumalap ng mga datos, impormasyon at pananaw ng mga “resource persons.”
Malaking bentahe ang pagsalang ng mga resource persons. Pwede silang maging testigo laban sa mga tiwali o magbahagi ng kaalaman at kasanayan sa pagbabalangkas ng bagong batas – o amyenda sa butas ng batas.
Gayunpaman, ang pananabik ng mga tao sa mga inaasahang pagbabago napalitan ng sa katatawanan sa pagpasok ng mga payaso at epal na politiko.
Hindi ko nilalahat ang mga senador. Marami pa rin naman sa kanila ang may pusong mambabatas pero sadyang may iba kasi sa kanila ang hangad lang ay magpakitang gilas.
Sa ilalim ng 18th Congress, pumutok ang kontrobersyal na anomalyang kinasangkutan ng Department of Budget and Management (DBM) kaugnay ng bilyon-bilyong pisong halaga ng kontratang iginawad sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Subalit sa hinaba-haba ng imbestigasyon, walang naipasang rekomendasyon ang Blue Ribbon hanggang sa pagtatapos ng termino ng ilang senador na miyembro ng komite. Wala rin bagong batas halaw sa mga datos, impormasyon at testimonya ng mga resource persons.
Sa aking abang pananaw, walang magandang ibinunga ang imbestigasyon. Dangan naman nasi, nakasentro sa panghihiya, pambabarako at pakitang-gilas ang mga pagdinig at pagsalang ng mga resource persons.
Ang ending – sirang reputasyon ng mga pinatawag na resource persons. Bakit kamo? Palagi kasing sinosopla, dahil ang taliwas sa nais nilang marinig ang sagot ng mga resource persons.
Kung ganun, bakit pa sila nagpatawag ng mga resource persons?
Hindi ako abogado at lalong hindi rin mambabatas. Subalit tila nakalimutan ng ilang mambabatas ng Blue Ribbon sa ilalim ng 18th Congress ang pakay ng pagdinig – “investigation in aid of legislation.”
Ika nga ni Atty. Edward Chico, isang tanyag political analyst, – “Investigation in aid of persecution.”