
SA lawak ng nakawan sa mga proyekto sa imprastraktura ng pamahalaan, pumalo na sa 21 ang nakatakdang kasuhan ng Department of Justice sa mga susunod na araw.
Ayon mismo kay Justice Secretary Crispin Remulla, posibleng madagdagan pa ang bilang ng mga kawatan na kakaladkarin sa hukuman sa pag-asang mahahatulan ng bonggang bakasyon sa kulungan.
Pero teka, kasama na ba dyan sa mga sinasabi ng Kalihim ang amo ni dating Undersecretary Roberto Bernardo na kasalukuyang nakaupo sa senado?
Nakakabingi ang pananahimik ni Senador Mark Villar sa mga usapin ng departmentong kanyang hinawakan sa loob ng mahabang panahon. Siya ang Kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa panahon ng administrasyong Duterte.
Pero mas nakakabingi ang mga kapwa niya senador na tila ninenerbyos sa anak ng pinakamayamang tao sa Pilipinas.
O baka naman totoo ang ibinunyag ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson — na halos lahat ng miyembro ng Senado sa ilalim ng 19th Congress ay may kanya-kanyang nagkaroon ng insertion.
Bukod sa mga senador, tila bantulot ang DOJ salingin si dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa isang banda, may katwiran naman maging maingat ang DOJ lalo pa’t pinsan ni Pangulong Ferdinand Marcos si Romualdez. Wika nga ng mga nakatatanda — blood is thicker than water.
Wala rin sa talaan si dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral na sinasabing nangangatok sa mga senador para urutin magsingit ng pondo sa 2026 national budget.
Speaking of budget, hindi ba dapat kaladkad din sa asunto ang Department of Budget and Management (DBM) na siyang punong tagaplano at tagapangasiwa ng kaban ng bayan?
DBM ang nagrelease ng tinatawag na “unprogrammed funds” kaya nagkaroon ng pagkakataon ang mga dorobo.
Higit sa lahat, hindi sapat ang pagsasampa ng kaso. Dapat tiyakin magdurusa sa loob ng piitan ang mga magnanakaw — at syempre dapat mabawi natin lahat ng kanilang ninakaw.