SA kabila ng babala ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III, walang takot na nag-iikot ng mga kasador ng mga tinaguring “pulis-payola” para mambarako sa mga iligalista sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) region.
Malinaw ang polisiya ni Torre sa pag-upo bilang hepe ng pambansang pulisya — Walang puwang sa PNP ang mga kotong cops.
Pero may mga PNP officials na sadyang dedma sa babala. Para sa kanila, mas matimbang ang kalansing ng pera kumpara sa polisiya ng pambansang pulisya.
Unahin natin sina Mike ng Special Operations Unit at Lorenzo ng Special Task Force. Silang dalawa ang direktang nakikipag-usap sa mga iligalista gamit ang pangalan ni Gen. Torre.
Kabilang sa mga binabarako ng dalawang kumag ang online talpakan ni Atong Ang, STL-con-Jueteng ng mga Pineda sa Central Luzon, mga iligal na pasugal ni John Yap at maging ang diskarteng pilipit ng isang talunang congressional bet sa lungsod ng Maynila.
Ang totoo, hindi naman siguro maglalakas ng loob sina Mike at Lorenzo kung walang matikas na heneral sa loob mismo ng punong himpilan ng pambansang pulisya sa Camp Crame.
Sa ngayon, parang kabute ang naglipanang illegal gambling operation sa buong Calabarzon. Namamayagpag na rin pati ang smuggling ng langis at sigarilyo.
Pero teka, hindi ba’t isang Sarhento Adlawan ang kasador ng mga iligalista sa Calabarzon? Ayon sa ating impormante, sinipa na si Adlawan dahil puro bukol ang inabot ng kanyang amo.
Sa isang banda, nakaipon na si Adlawan… kaya naman ngayon, siya na ang operator ng mga iligal na pasugalan sa mga lalawigan ng Batangas at Cavite.
Bastante na ang sindikato ni Adlawan lalo pa’t regular na kinokolekta nina Sol at Roger ang payolang para umano sa kanyang mga kontak sa Calabarzon regional police office — isang alyas Col. Frank at Major Fortun.
Ang tanong: Alam kaya ni Calabarzon regional police director Brig. Gen. Jack Wanky ang kabalbalan ng mga pulis na nasa loob mismo ng kanyang bakuran?
But wait there’s more, meron na rin siyang malawak na farm na rin ng mga mamahaling panabong na manok na paboritong pasyalan ng mga bigtime sabungero.
Bukod sa mga pulis-payola, may ilang alkalde rin ang sinasabing protektor ng mga iligal na pasugalan.
Abangan ang kasunod.
