SA gitna ng lumalaking eskandalo sa umano’y mga ghost projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH), di dapat maiwan sa imbestigasyon ang palpak na flood control project na nagdulot ng matinding pagbaha sa bayan ng Cainta.
Dangan naman kasi, palpak ang interceptor project ng DPWH.
Oops, hindi sa akin galing yan ha. Mismong si Senador Rodante Marcoleta, na isa palang residente sa bayan ng Cainta ang nagbunyag sa tinawag niyang “pera-paraan.”
Ayon kay Marcoleta, isa sa nakikitang dahilan sa likod ng paglubog ng 24 na komunidad sa bayan na dinarayo sa katakam-takam na kakanin ay ang interceptor project ng DPWH sa bahagi na La Colina at Mayamot na kapwa sakop ng Antipolo City.
Sa konting ulan, baha agad ang hindi bababa sa 24 na komunidad (kabilang ang mga residential subdivisions sa kahabaan ng Felix Avenue At Marcos Highway) na sakop ng Cainta. Katunayan aniya, hindi na kayang dumaan ng mga pangkaraniwang sasakyan pagkatapos ng 30-minutong buhos ng ulan.
Sakop ng Rizal First Engineering District (na pinamumunuan ni District Engineer Porfirio Cleofas at Assistant District Engineer Leonardo Salvadora) ang Antipolo City at Cainta.
Tulad ni Marcoleta, ako man ay nahihiwagaan sa mga interceptor projects ng DPWH, gayung pwede naman magbaon ng mga dambuhalang concrete pipes ang mga apektadong lugar nang sa gayon ay dumaloy ang tubig baha patungo sa Marikina River hanggang sa Laguna de Bay.
Bukas ang Kalawit para sa panig ni Cleofas at Salvadora na kapwa beterano sa larong taguan.
Sa gawing ikalawang distrito ng Rizal, higit na angkop isapubliko ng Rizal Second Engineering District ang lagay ng halos isang bilyong pisong halaga ng flood control projects.
Sana naman huwag na gayahin ni District Engineer Wilfredo Racelis at Assistant District Engineer Manolito Fabian ang nakakabinging katahimikan ng kanyang mga kabaro sa Rizal First Engineering District.
O baka naman kasali kayo sa mga “multo” tulad ng nabisto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa lalawigan ng Bulacan.
Oops, umarangkada na rin pala ang sibakan sa DPWH dahil sa hindi maitagong kuntsabahan sa kagawaran. Kabilang sa usap-usapan ang pagsibak kina alyas Pipo at Canlas — pero sadya nga yatang may matibay na kinakapitan ang isang nagngangalang Bernardo.
Talakayin natin yan sa susunod.
