Ni Hernan Melencio
DAHIL sa masamang karanasan sa pandemya ng COVID-19 na sinasabing nagsimula sa Tsina at pumatay ng milyun-milyong tao sa mundo sa nakaraang mahigit dalawang taon, nabahala ang marami sa pagkalat ng tinatawag na “walking pneumonia.”
Sa Tsina rin nagmula ang balita ng “walking pneumonia” at agad itong naghasik ng lagim sa mga bansang nagsisimula pa lang mag-alis ng mga paghihigpit kaugnay ng COVID-19. Kinailangan pang maglabas ng pahayag ang World Health Organization (WHO) para pakalmahin ang mundo at sabihing “normal” lang ang nangyaring pagkalat ng sakit sa Tsina dahil panahon ito ng pulmonya at muling nagbubukas ang bansa sa mga biyahe.
Sa Pilipinas, nagkatakutan din dahil sa balitang may apat na tinamaan ng “naglalakad na pulmonya” sa bansa. Sinundan pa iyan ng mga babala ni Senador Nancy Binay at Senador Bong Go laban na umano’y paglaganap ng sakit na ito. Pero relak lang kayo, sabi ng DOH, dahil hindi naman bagong sakit ang “naglalakad na pulmonya” at gumaling na rin yung mga tinamaan nito. ‘Yung apat ng tinamaan ng ganoong sakit e napakaliit ng porsyento lamang (0.08%), anya, ng kaso ng animo trangkasong sakit mula Enero hanggang Nobyembre ng taon. At kung tamaan ka man nito, ayon sa mga eksperto, madali ka namang gagaling pagkatapos ng pito o sampung araw, hindi katulad ng tunay na trangkaso at COVID-19 na pwedeng magkaroon ng kumplikasyon.
Kaya kung may dapat katakutan, ito ang muling pagkalat ng COVID-19, na ayon sa DOH e nagdagdag ng 1,821 na kaso simula Disyembre 5 hanggang 11, o 36% ng numerong naitala mula Nobyembre 28 hanggang Disyembre 4. Ilan sa mga ito e malala at kritikal kaya pinag-iingat pa rin ang mga tao.
Mabuti na rin at sanay na tayo sa pag-iwas at naturuan na rin tayong laging maghugas ng kamay at gumamit ng maskara sa pampublikong lugar. Kung papipiliin ng tatama sa akin, mas gugustuhin ko ang nagrarakenrol na pulmonya at nagbu-boogie woogie na trangkaso o sa Ingles, “rockin’ pneumonia and boogie woogie flu,” kaysa “walking pneumonia.”