
SA gitna ng napipintong impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte dahil sa umano’y paglustay sa pondo ng pamahalaan, may isang bayan sa lalawigan ng Rizal kung saan hayagan ang pagsusulong ng katiwalian.
Batay sa dokumentong nagmula Sangguniang Panlalawigan, hindi nakalusot kay Bokal Roberto Andres Puno Jr. ang aniya’y kwestyunableng supplemental budget na pinagtibay ng Sangguniang Bayan ng Taytay.
Ang halaga – P98.8 milyon.
Kung tutuusin, hindi naman bawal ang paglalaan ng supplemental fund kung kaya rin lang naman ng lokal na pamahalaan.
Pero sa kaso ng Taytay, tila nasilip ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ang sablay sa Ordinance 815 na agad pinirmahan ni Mayor Allan de Leon matapos aprubahan ng konseho noong Hulyo 22, 2024.
Alin nga ba ang sablay sa inilatag ng supplemental fund ng mga konsehal na may-akda ng panukalang ordinansa? Ating himayin ang detalye ng P98.9 milyong supplemental budget ng Taytay.
Pinakamalaki ang hirit na pondo para sa “cash gift” ng mga senior citizen sa nasabing bayan – tumataginting na P35.27 milyon. Ang totoo, dapat lang naman kilalanin ang ambag ng mga nakatatanda sa bayan.
Ang tanong – ilan ba ang bilang ng mga rehistradong senior citizens sa bayan ng Taytay? Kung pagbabatayan ang 386,451 populasyon ng lokalidad na dating kilala bilang Garments Capital of the Philippines, pinakamalaki na siguro ang 30,000 Taytayeñong benepisyaryo.
Sa ganun karaming rehistradong lolo’t lola, pihadong marami ang hindi mabibigyan.
Kapansin-pansin din ang laki ang alokasyon sa krudo at langis ng sasakyan ni mayor — tumataginting na P10 milyon, bukod pa sa P6.8 milyong nakatala sa tawag na “donasyon.”
Wala man akong luxury car, may konting kaalaman naman ako sa konsumo ng mga sasakyan. Kung krudo din lang naman ang ikakarga sa sasakyan ni mayor, hindi kayang ubusin sa konsumo ang P10 milyon mula Agosto hanggang Disyembre ng nakalipas na taon – maliban na lang kung ang sasakyan ng Office of the Mayor ang gamit ni de Leon sa tuwing pupunta sa ibang bansa.
Masyado rin malaki ang sinasabing donasyon na bahagi ng pondong inilaan sa Office of the Mayor. Ang tanong – kanino ido-donate ang naturang pera?
Buti na lang mapanuri ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan. Pero hindi dapat matapos sa pagpapawalang bisa ng P98.8 million supplemental fund ang kwento. Higit na angkop ang agarang pagsusuri ng Commission on Audit (COA) kung paano inubos ng lokal na pamahalaan ng Taytay ang P1.7-bilyong 2024 budget.
Pero teka, nandyan pa ba ang pera?