
SA likod ng luntiang lungsod na higit na kilala sa pagiging sentro ng pananampalataya, santambak ang nagpapanggap na mahal nila ang masa.
Huwag na natin pahabain ang pasakalye. Kamakailan lang, may natisod akong post sa social media ng isang babaeng politiko. Puno ng hinanakit at patutsada ang hitad sa kanyang litanya – sukdulang magmukhang tanga.
Ayon sa politiko, may nanggagaya sa kanyang programa… pero teka, patented ba ang sinasabi niyang programa? Kung sa kanya yung programa, naipatupad ba niya?
Sa haba ng panahon na ginugol ko sa pagiging peryodista, wala maski isang lider sa bansa ang may monopolyo sa programa. Maging ang mga mambabatas sa Senado at Kamara, wala maski isang pwedeng umangkin ng panukala.
Ang dahilan – kailangan dumaan muna sa metikulosong pagbusisi para tiyakin angkop, naaayon at nagsusulong sa kapakanan ng mga mamamayan.
Gayundin sa hanay ng mga miyembro ng Sangguniang Barangay. Hindi sapat ang katagang nakakalungkot para ilarawan ang Facebook post ng isang Ate Ivy Alvaran na ayon sa aking pagsasaliksik ay mula sa isang malaking angkan ng politiko sa lungsod ng Antipolo.
Himutok ni Ate Ivy Alvaran, programa niya sa catarata, isang kondisyon kung saan apektado ang mata. Okey lang naman yan kung lahat ng may katarata kaya niyang tugunan nang wala maski pisong babayaran.
Pero base sa aking nakalap na impormasyon, sa pribadong ophthalmologist niya dinadala ang pasyente. Ang tanong – siya ba ang nagbabayad sa gamot at gamutan? Magkano na kaya ngayon ang komisyon sa kada ulong bitbit sa klinika?
Isang paalala sa mga lingkod-bayan — wag masyadong pampam. Tama po ba ako Ate Ivy Alvaran?
But wait, there’s more. Binisita ko ang Facebook account ni Ate Ivy Alvaran at dun ko napag-alaman na siya rin pala ay isang vlogger na nagbebenta ng mga cosmetic products na wari ko’y gawa ng sariling kumpanya.
Alinsunod sa Food And Drugs Administration Circular 2022-001, kailangan dumaan sa masusing pagsusuri ang anumang cosmetic product bago ibenta sa merkado. Sana FDA-approved ang mga sabon niya. Marami kasi dyan, imbes na gumanda, naging chaka!