HINDI limitado sa Kongreso ang budget insertions. Maging sa iba’t-ibang ahensya at tanggapan ng pamahalaan, kumikitang kabuhayan din ang pagpapalusot ng pondo.
Pati ang pambansang pulisya, ginagamit na rin para magtamasa — pero ang mga buwitre hindi umubra kay Gen. Nicolas Torre III. Kaya ang resulta, sinibak siya bilang hepe ng pambansang pulisya.
Ating himayin ang tunay na dahilan kung bakit nalaglag si Torre bilang Philippine National Police (PNP) chief.
Usap-usapan ang umano’y namumuong hidwaan sa pagitan ni Torre at Department of Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla matapos magpatupad ng balasahan sa hanay ng mga kapulisan. Kasama sa tinamaan ang “bata” ni Remulla — si PNP Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Bagamat naglabas ng resolusyon ang National Police Commission (Napolcom) na nagpawalambisa sa pagtatalaga kay Nartatez bilang area commander ng Western Mindanao, hindi tumalima si Torre.
Basehan ni Torre ang Republic Act 6975 kung saan malinaw na nakasaad… “designations of third level officials and/or third level positions are left to the authority of the PNP chief.” Sa madaling salita, naaayon sa batas ang ipinatupad na balasahan sa hanay ng kapulisan.
Pero hindi naman talaga yan ang dahilan kung bakit pinursige ang pagsibak kay Torre.
Ang totoo, hindi niya pinalusot ang tangkang “P8-billion budget insertion” ng isang mataas na opisyal ng DILG. Kung susuriin ang dokumento, malinaw na nakasaad ang mga katagang “Request for Endorsement and Budget Support for PNP Firearms Capability Enhancement.”
Sa simpleng salita, procurement deal. Nais ng mga kapural sa DILG magsingit ng P8 bilyon sa 2026 national budget para bumili ng 80,000 piraso ng assault rifle.
Wala naman masama sa modernisasyon pero ang pagbili ng armas na pandigmaan, hindi yan para sa PNP. Mas angkop yan sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Pero bakit nga ba pilit isinusulong ng bida sa DILG ang arms deal na yan? Ang suspetsa ko, nakompromiso na ang damuho…. O baka naman nakatanggap na ng paunang SOP mula sa supplier na assault rifle.
Ngayon maliwanag na kung bakit nalaglag si Torre at kung bakit bata niya ang pilit niyang isinalpak nilang PNP chief… sa ganung paraan nga naman, tiyak na ang kumikitang kabuhayan.
Pera-paraan ng mga kawatan sa pamahalaan. Only in the Philippines!
