HINDI sapat ang katagang nakakalungkot para ilarawan ang lumalalang kanser sa pamahalaan. Ultimo sa barangay, garapalan na ang katiwalian.
Matapos mabisto ang payroll padding, naglakas-loob na rin ang mga kagawad ng Barangay Kalayaan (na sakop ng baybaying bayan ng Angono, Rizal) na ibunyag ang umano’y iba pang irregularidad sa pananalapi ng kanilang chairman.
Ang umano’y modus — nagrerelease muna ng pondo bago pa man simulan ang proyekto.
Partikular na idinulog ng mga barangay kagawad sa Department of Interior and Local Government (DILG) ang umano’y kakaibang estilo ni Kapitana Annaliza Intalan na anila’y sapilitang nagpapapirma ng mga antedated disbursement vouchers.
Ang totoo, kailangan naman talaga pumirma ng kagawad (na chairman ng finance committee) sa mga disbursement voucher na kalakip ng mga transaksyon ng barangay. Ang masaklap, matagal na palang nai-release ang pondo.
Ito rin ang dahilan kung bakit hindi pumirma ang mga kagawad ng Barangay Kalayaan sa mga naturang disbursement vouchers. Saan ka ba naman kasi nakakita ng kalesang nasa unahan ang karitela bago ang kabayo?
Malinaw ang umiiral na panuntunan ng Commission on Audit (COA) – lahat ng financial transactions ng gobyerno — disbursement vouchers muna bago i-release ang pondo.
Sa ilalim ng panuntunan ng COA, kailangan kumpletos rekados — may prequalification ng suppliers o contractor, bidding para sa procurement of construction contract, at iba pang nakasaad sa ilalim ng Republic Act 12009 na mas kilala sa tawag na Government Procurement Act.
Sa aking pagsasaliksik, hindi na pala bago ang ganung sistema sa Barangay Kalayaan.
Sa ilalim ng pamunuan ng dating barangay chairman ng Kalayaan, mas malala pa pala ang kostumbre. Ang dating chairman — dyowa pala ni Kapitana.
