IMBES na pera, malamig na rehas ng masikip at mabahong selda ang kapit ngayon ng isang 33-anyos na lalaking umano’y sangkot sa pagnanakaw ng salapi mula sa eTap machine na nasa loob ng isang convenience store sa North Fairview, Quezon City kamakailan.
Sa ulat na ibinahagi ni Quezon City Police District (QCPD) Director Brig. Gen. Randy Glenn Silvio, mismong live-in partner ng isang alyas Jomar, ang nagbigay ng impormasyon sa pinagtataguan ng suspek.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas 12:30 ng madaling araw noong Marso 30, 2026, natuklasan ng mga operatiba ng Fairview Police Station 5 ang isang “unplugged” eTap machine sa labas ng tindahan, na sira ang cash slot o bill acceptor.
Agad nagsagawa ng forward and backward tracking ang lokal na pulisya kasama ang Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), sa CCTV footage, kung saan lumabas na isang itim na Toyota Veloz ang ginamit bilang getaway vehicle ng suspek.
Bumuo din ng Special Investigation Team (SIT) para mapabilis ang imbestigasyon at nakupirma sa Land Transportation Office (LTO) na ang sasakyan ay nakarehistro sa ilalim ng pangalan ng isang alyas ni Ivy, na agad inimbitahan sa CIDU.
Sa interogasyon, agad inginuso ni Ivy na ang kanyang live-in partner at dalawa pang suspek na umano’y gumagamit ng kanyang sasakyan.
Sinampahan na ng kasong robbery sa Quezon City Prosecutor’s Office ang nahuling suspek.
