SA gitna ng dagundong ng mga mamamayan laban sa malawakang korapsyon sa pamahalaan, biglang naglabas ng anunsyo ang Palasyo — ibabalik na sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang P60-bilyong pondo mula sa buwanang hulog ng mga obrero.
Sa ganang akin, dapat lang naman ibalik sa PhilHealth ang sinasabing “excess funds” para ganap na matugunan ng naturang ahensya ang pangangailangan ng mga mamamayan.
Ang nakakalungkot nga lang, marami na ang binawian ng buhay nang hindi man lang nilapatan ng lunas dahil sa kawalan ng kakayahan sa mabigat na gastusing kalakip ng gamutan.
Sa mga nakalipas na taon, kapansin-pansin ang pangungulit ni Senador Bong Go sa tuwing may pagdinig ang Senate Committee on Health and Demography sa usapin ng kalusugan.
Hindi ako tagahanga ni Bong Go, ako mismo aminado — malaking tulong sa mga maralitang Pilipino ang walang humpay na pangungulit ng mambabatas mula sa katimugan.
Kung hindi ako nagkakamali, si Go lang ang nanindigan sa senado laban sa pwersahang paglilipat ng PhilHealth fund sa Department of Finance.
Sa pagbisita ko sa “news archive” ng isang sikat na pahayagan, natisod ko ang isang talata sa pahayag ng senador — “Hindi katanggap-tanggap na may pondong nandyan na hindi nagamit para matulungan ang bawat Pilipinong miyembro naman ng PhilHealth,” wika ni Go sa naturang artikulo.
Siya lang din sa hanay ng mga senador ang naglakas loob kuwestyunin ang Pangulo — “Nais nating malaman ang paliwanag ng Ehekutibo kung bakit may ‘excess funds’ ang PhilHealth habang maraming pasyente pa rin ang naghihingalo at walang pambayad ng kanilang pagpapaospital o pampagamot. Bakit hindi ito nagamit para tulungan sila?”
Pero teka, hindi ba’t inamin na ni Finance Secretary Ralph Recto na nagastos naang pondo sa ibang proyekto, kabilang ang mga imprastraktura sa iba’t ibang panig ng bansa. Sa madaling salita, ang pondo para sa kalusugan, pinagkakitaan pa ng mga kawatan sa pamahalaan.
Bwelta ni Marcos, meron naman aniyang “savings” ang national government mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Nakupu! Sa dinami-dami ng babanggiting ahensya, yun pang pugad ng mga buwaya. Hindi kapanipaniwala.
Ano nga ba ang motibo sa biglang kabiyo ng Pangulo? Nais niya bang pahupain ang nag-aapoy ng galit ng sambayanang Pilipino? Huli na Ginoong Pangulo.
