Ni HERNAN MELENCIO
SUPER sikat na, lalo pang sumikat si Alice Guo, na kilala rin sa ngalang Guo Hua Ping, dahil sa tulong ng mga superfans niya sa gobyerno.
Akalain n’yong nagpa-selfie pa yung mga opisyal na sumundo sa kanya sa Jakarta para patunayang ang saya-saya nila at kasama nila si ate. Kumakalat ngayon sa buong mundo ang litrato ng bossing ng DILG na si Benhur Abalos at ng PNP na si Rommel Marbil, at ng mga operatiba ng NBI kasama si Alice.
Sa gitna ng mga panlalait at pagbatikos sa kanila sa social media dahil sa “fangirling” at “fanboying” ng mga opisyal ng gobyerno sa sinibak na mayor ng Bamban, ipinagtanggol sila ni Dayunyor na nagsabing nasa bagong kultura na ng mga Pinoy ang pagse-selfie.
“Hindi mo naman mapipigilan ang tao na ngumiti,” anya. Naalala niya siguro kung paanong may pagkaasiwa siyang napangiti pagkatapos tanungin tungkol sa kasong pagnanakaw ng pamilyang Makoy sa isang interview sa Australia at nasabihan siyang “What’s so funny?”
Kaya ayos lang kay Dayunyor na nakangiti ang mga opisyal habang naka-pose sa “hinuhuli” nila. ‘Wag n’yo nang tanungin kung bakit yung mga hampaslupang dinadampot sa kalye e binubugbog muna at pinahihirapan bago ikulong. Hindi sila VIP.
Kunsabagay, kahit noon pa, mahilig na ngang mag-posing ang mga Pinoy kasama ng mga sikat na tao lalo na ‘pag nasa ibang bansa. Naaalala ko nung magpunta sina Robin Padilla at Nur Misuari sa Jeddah; kandarapa kaming nagpalitrato kasama nila at ng iba pang dayuhang editor ng Saudi Gazette. Hindi pa uso ang selfie noon pero ganun na ang ugali ng mga Pinoy ‘pag may nakitang kamera sa paligid.
Marahil sa tingin ng mga opisyal, wala pa namang pormal na kinakaharap na kasong kriminal si Alice. Hindi pa siya idineklarang kriminal kahit may nakikitang ebidensya ang mga komite sa Senado at Bahay sa kanilang imbestigasyon. Ang kaso niya ay contempt o paghamak sa kapangyarihan ng Senado at ng Bahay ng mga kongresista dahil di nila gusto ang sagot o di pagsagot niya sa mga tanong at ang pagsisinungaling niya. Hindi na siya sumipot sa pagdinig kaya ipinahuli.
Sa totoo lang, marami na ring naiinip at naiinis sa takbo ng paglilitis, este, pagdinig sa Kongreso “in aid of legislation.” Hindi pa ba sapat ang impormasyong nakuha nila para gumawa ng bagong batas o tapalan ang mga butas ng umiiral na batas? Hindi kaya ginagamit lang ng mga pulitiko ang mga isyu para magpasikat, magpapogi o magpagwapa dahil malapit na ang eleksyon? Maaasahan ba silang bumangga sa mga bigatin na nasa likod ng POGO, droga, at EJK? Kailan ipapasa sa korte ang kaso? Hindi naman pwedeng wantusawa dahil nagre-recess at nag-uuwian din ang mga senador at kongresista. Gaano ba katagal ginisa si Leila de Lima noon, pinahiya at kinalkal ang personal na buhay sa Bahay ni Kuya bago kinasuhan?
Apat na komite sa Bahay, na kung tawagin e Quadcom, ang nag-iimbestiga sa paglaganap droga, mga krimeng may kinalaman sa POGO, extra-judicial killing, at iba pa. Ayon sa kanila, napagpasyahan nilang pagsamahin ang apat na komite dahil napansin nilang “inter-related, interconnected and intertwined” ang mga isyung iniimbestigahan nila. May basbas ito ng bossing ng Bahay ni Kuya na pinsan ni Dayunyor. At kapansin-pansin ding nauugnay ang mga isyung ito sa dating pangulong si Digonyo at mga galamay niya.
Ika nga, isang demonyo lang ‘yan, magsama-sama na tayo para ebribadi hapi. Aprubado naman ito ng mga inapi, inabuso at inagrabiyado ni Digonyo. Pero ‘wag maging kampante ang kasalukuyang nasa kapangyarihan dahil darating din sa kanila ang ganitong mga araw.
Ganyan lang ang buhay.
