
NAGSANIB-pwersa ang tanggapan ni Senador Alan Peter Cayetano, Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang mga lokal na pamahalaan sa Laguna sa hangaring tugunan ang hamin pasipain ang MGA maliit na negosyo sa naturang lalawigan.
Sa ilalim ng Sari-Saring Pag-Asa Program (SSP), 350 sari-sari store owners ang inayudahan ng dagdag-puhunan at kasanayan tungo sa kaunlaran ng kani-kanilang munting tindahan.
Sa ginanap na pamamahagi ng ayuda sa lungsod ng Calamba at Biñan, personal na tinanggap ng mga benepisyaryo ang dagdag-puhunan mula sa DSWD sa inisyatiba ni Cayetano.
Para sa abogadong senador, higit pa sa P3,500 na dagdag-puhunan ang kasanayan at kaalamang ibabahagi ng kanyang programang SSP.
“Hindi sapat na bigyan ng isda ang mamamayan – dapat turuan din sila kung paano mangisda,” sambit na Cayetano sa kanyang mensahe sa mga benepisyaryo.
Pinasalamatan ni Santa Rosa City Lone District Rep. Danilo Fernandez si Cayetano at ang kapatid na kapwa senador na si Atty. Pia Cayetano sa aniya’y walang sawang patuloy sa lalawigan ng Laguna.
“Talagang tinutulungan po tayo nina Senador Alan at Pia para mabigyan ang ating mga kababayan, hindi lamang sa Laguna, kundi sa buong Calabarzon area. Ito po ay ating ipinagmamalaki at ipinagpapasalamat sa kanila. Tayo ay naging instrumento lamang po upang ang ating mga leaders at mga kababayan dito sa Laguna ay mabigyan natin ng tulong,” wika ni Fernandez.
Aabot sa 200 sari-sari store owners mula sa mga lokalidad ng Bay, Victoria, Alaminos, San Pablo City, Cabuyao City, Los Baños, Calamba City, at Calauan sa Laguna. Hindi naman bababa sa 150 sari-sari store owners ang nabigyan ng tulong sa lungsod ng Biñan.
Ayon kay Maria Delia Romero, isa mga beneficiaries ng programa na nakatanggap ng tulong sa Biñan congressional District Office sa Barangay Poblacion, itinuturing niyang “good surprise” ang tulong.
“Nagpapasalamat po tayo sa Diyos sa pagkakataong ito na di inaasahang biyaya ay bigla po naming nakuha. Nagpapasalamat din po ako kay Congresswoman Len Alonte-Naguiat, at Senators Alan Peter Cayetano at Pia Cayetano,” wika ni Ma. Delia Romero, isa sa mga nabiyayaan ng dagdag-puhunan para sa kanyang maliit na tindahan.
Nagpasalamat naman sa Diyos si Aniceta Sumagui Mangilin dahil malaking tulong ang SSP sa kanyang pamilya.
“Unang una po, nagpapasalamat tayo sa Panginoon Diyos na sa araw na ito ay hindi po namin inaasahan na mabibigyan kami ng biyaya na galing kay Senator Alan Peter Cayetano at Senator Pia Cayetano, Congresswoman Len, Mayor Arman (Dimaguila), and Vice Mayor Gel. Ito po ay malaking tulong sa aming pamilya. God bless!” ayon naman sa isa pang benesyayong si Aniceta Sumagui Mangilin.
Sinabi naman ni Ruby Amoranto na malaki ang pasasalamat niya sa dagdag-puhunan na ibinigay sa kanila para mapalago ang kanilang maliit na negosyo.
“Nagpapasalamat po ako sa aming mahal na congresswoman na si Cong. Len Alonte at kay Senator Pia at Alan Peter Cayetano sa dagdag puhunan. God bless you po!” pahabol ni Ruby Amoranto sa kanyang natanggap na tulong.