
TALIWAS sa paniniwala ng marami, hindi lahat ng mga nasawi sa mga aksidente habang lulan ng barko, nakakatanggap ng danyos mula sa mga shipping lines, ayon sa isang kongresista sa Kamara.
Para kay Oriental Mindoro Rep. Alfonso Umali, napapanahon na rin rebisahin ang umiiral na maritime laws at at silipin ang implementasyon ng safety standards sa mga barkong pag-aari ng mga shipping lines na naglalayag sa karagatan.
Sa House Resolution 835 na inakda ni Umali, tinutulak ng kongresista ang agaran at malalalimang imbestigasyon ng House Committee on Transportation sa hangaring mabatid kung may sapat na proteksyon ang mga pasahero – at maging ang kalikasan sa tuwing nasasangkot sa mga maritime mishaps.
Sa malawak na perwisyo sa kalikasan bunsod ng paglubog kamakailan ng MT Princess Empress sa Oriental Mindoro, nanawagan si Umali sa mga kapwa kongresista na sabayang talupan ang kapabayaan ng mga pribadong kumpanyang nagmamay-ari ng barkong nagligwak ng hindi bababa sa 800,000 litro ng langis sa karagatang napapalibutan ng mga limang lalawigan.
Bukod sa banta sa kalikasan, iginiit din ni Umali ang danyos perwisyo sa mga mangingisdang lubhang naapektuhan ang kabuhayan sa pagtagas ng langis sa karagatang tangi nilang pinagkukunan ng kabuhayan,
Pasok din sa isinusulong silipin sa House probe ang dagok na dulot sa industriya ng turismo.
“Several accounts and statements of victims of prior sea accidents still call for justice and accountability as they have not received any indemnification from the sea carriers involved in mishap;” ayon sa may-akda.
Bukod sa danyos perwisyo sa mga naulila, pinsala sa turismo at kalikasan, dapat rin aniyang tiyakin ang tinawag niyang “seaworthiness” ng mga naglalayag na barko para masigurong hindi na mauulit ang mga katulad na aksidenteng kinasasangkutan ng mga shipping lines.
Kinatigan rin ni Negros Occidental Rep. Kiko Benitez ang panawagan ni Umali.
“We cannot let another oil spill happen again. Its damage to the marine environment is just too much. It is impossible to express the negative impact on livelihoods and marine ecosystems in monetary terms.”