PARA sa kay Senator Risa Hontiveros, higit na nasa posisyon ang mga lokal na pamahalaan para tugunan ang usapin hinggil sa teenage pregnancy.
Kaya naman ang kanyang panukalang kasabay ng pagdiriwang ng International Women’s Day, palakasin ang suporta sa mga local government units (LGU) para sa mas epektibong implementasyon ng mga angkop na programa.
Ayon kay Hontiveros, hindi limitado sa pagpigil sa teenage pregnancy ang solusyon sa nasabing usapin, kasabay ng giit para sa angkop na programang nagbibigay-daan sa pangangailangan ng batang buntis at ang wastong ‘government interventions.’
“This IWD, we both acknowledge how far women have come and far we have yet to go. I am able to champion these bills today because of the women who have cleared the way so we can enjoy the opportunities we do. Ngayon, responsibilidad natin na ipaglaban pa ang mga pangkaraniwang karapatan na dapat matagal nang naibigay sa ating kababaihan,” ani Hontiveros.
Sa kanyang talumpati ilang saglit matapos ihain ang Prevention of Adolescent Pregnancy Bill, muling idiniin ng senadora ang nakababahalang pagdami ng mga batang babae, edad 10-14, na nabubuntis.
Noong 2020, mayroong 2,113 na kaso ng pagbubuntis ng mga batang nasa edad na ito at tumaas pa sa 2,299 noong 2021.
“The bill seeks to address the issue of adolescent pregnancy through various methods, such as the faithful implementation of comprehensive sexuality education, as well as the delivery of necessary sexual and reproductive information and services to young Filipinos when they need it, when they ask for it, and when they seek it,” ani Hontiveros.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga batang magulang ay maaaring tumanggap ng mga serbisyo mula sa LGU, tulad ng maternal health care services, post-natal family planning, parenting workshops, at psycho-social support, at iba pa.