
USAP-USAPAN sa Kamara ang di umano’y pagpasok ng Kamag-Anak Inc. bunsod ng ilang probisyon sa kabi-kabilang panukalang nagtutulak ng amenyenda sa 1987 Constitution.
Partikular na tinukoy ni Cavite Rey. Roy Loyola ang Section 3 ng Resolution of Both Houses No. 6 na inaprubahan ng House Committee on Constitutional Amendment kung saan bukod sa ihahalal na ConCon delegates ay bibigyan laya ang Pangulo, Senate President at Speaker ng Kamara na magtalaga ng dagdag miyembrong tatayong kinatawan naman ng ibang sektor.
Giit ni Loyola sa komite, isama sa probisyon ang mga katagang “and must not be related within the fourth degree by blood or affinity to any incumbent local and national elected officials.”
Sa orihinal na bersyon ng panukalang Charter Change, kabilang sa mga panuntunan para sa mga magiging delegado ng ConCon ang pagiging natural born citizen, edad 25 pataas, nakapagtapos sa kolehiyo, residente ng Pilipinas sa nakalipas na isang taon, rehistradong botante at hindi pa kailanman hinatulan ng korte.
Pangamba naman ni House Committee on Constitutional Amendments chair Rep. Rufus Rodriguez, posibleng lumikha ng sigalot ang napipintong pagpasok ng mga kaanak ng mga nasa pwesto dahil sa kawalan ng linaw sa panuntunan ng kwalipikasyon para maging ConCon delegate.
Sa sandaling aprubahan sa plenaryo ang RBH 6, posible at legal na maitatalaga ang mga kaanak (asawa, anak, kapatid etc.) bilang sectoral representatives.
Tampok rin sa RBH No. 6 ang kapangyarihan ng nakaupong Pangulo, Senate President at House Speaker na humirang ng karagdagang ConCon delegates.