KASABAY ng pag-agos ng pagbuga ng nagbabagang putik sa bunganga ng Bulkang Mayon, mabilis na inilikas ng pamahalaan ang nasa 8,000 pamilya mula sa 26 na barangay na pasok sa permanent danger zone.
Sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nagsimulang umagos pababa ng bunganga ng bulkan ang lava, habanag nakapagtala naman ng 21 volcanic earthquakes, 260 rockfall events at tatlong pyroclastic density current events sa nakalipas na 24 oras.
Ayon sa Phivolcs, patuloy na nakikita ang banaag o crater glow sa bunganga ng bulkan.
Nakapagtala rin ang Mayon ng pagluwa ng 642 tonelada ng asupre nitong Hunyo 11.
Sa ngayon, nanatiling nasa Alert Level 3 ang bulkan.
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6 km radius permanent danger zone. Ipinagbabawal din ang paglipad ng anumang uri ng sasakyang panghimpapawid malapit sa tuktok ng bulkan dahil sa pagluwa ng bato at lava.
Umabot na rin sa mahigit 8,000 pamilya o katumbas ng halos 35,000 indibidwal ang apektado na ng abnormal na aktibidad ng Mayon, batay sa pinakahuling datos ng DSWD Disaster Response Operations Monitoring and Information Center.
Nasa 3,643 pamilya o 13,000 indibidwal ang nananatili sa 20 itinalagang evacuation centers sa Bicol, habang mayroon din higit 100 pamilya ang pansamantalang nakitira muna sa kanilang mga kaanak.