
HINDI pa man ganap na nakakasinghap ang mga motorista sa lingguhang dagdag-bawas sa presyo ng produktong petrolyo, singil naman sa toll fee sa North Luzon Expressway (NLEX) ang nakatakdang sumipa pagsapit ng Hunyo 15.
Ayon sa NLEX Corporation, ang taas singil ay makaraang aprubahan ng Toll Regulatory Board (TRB) ang toll rate adjustment na dagdag P7 sa open system, habang P0.36 per kilometer na kokolektahin sa closed system.
Sa ilalim ng bagong toll fee matrix, ang Class 1 vehicles ay magbabayad ng dagdag na P7, P17 sa Class 2 vehicles at P19 para sa Class 3 vehicles.
Ang open system ay pumapaloob sa mga lungsod sa Metro Manila sa Navotas, Valenzuela, at Caloocan papuntang Marilao, Bulacan habang ang closed system ay sa portion sa pagitan ng Bocaue, Bulacan at Sta. Ines, Mabalacat City, Pampanga kasama na ang Subic-Tipo.
Ang mga maglalakbay sa dulo ng NLEX sa pagitan ng Metro Manila at Mabalacat City ay magbabayad ng dagdag na P33 para sa Class 1, P81 sa Class 2 at dagdag P98 sa Class 3 vehicles.
Ang bagong rates ay bahagi ng authorized NLEX periodic adjustments noong 2012, 2014, kalahati ng 2018 at 2020 at ngayong 2023 ang ika-apat at panghuling tranche ng adjustments.
Patuloy namang tatanggapin ng NLEX ang discount at rebate para sa mga public utility jeepneys (PUJs) sa ilalim ng NLEX Pasada at Tsuper Card programs.