
KUNG pagbabatayan ang datos ng Social Weather Station (SWS), abot-kamay na ni Vice President Sara Duterte ang pwesto ng amang dating Pangulo.
Sa pinakahuling resulta ng SWS survey, nanguna si Duterte sa mga napipisil na maging susunod na Presidente.
Sa naturang survey, tinanong ang nasa 1,200 respondents kung sino ang pinakamagaling na lider na dapat pumalit kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang Pangulo ng bansa.
Lumalabas na 28% ng respondents ang naniniwalang angkop sa posisyon sa Palasyo si VP Sara.
Sa naturang bilang, pinakamarami ang nanindigan para sa bise-presidente sa Mindanao kung saan kalahati ng mga respondents ang suportado ang anak ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Pumapangalawa naman si Sen. Raffy Tulfo na nakakuha ng 11% habang ikatlo si dating VP Leni Robredo sa 6%.
Pasok din sa Top 5 sina dating Pangulong Rodrigo Duterte (3%) at si dating Sen. Manny Pacquiao (2%)
Nasa Top 10 din na kapwa nakakuha ng tig-1% sina Sen. Robin Padilla, dating Manila Mayor Isko Moreno, Pang. Bongbong Marcos, Sen. Imee Marcos, at Cong. Sandro Marcos.
Isinagawa ang survey mula April 15-18, 2023 sa pamamagitan ng face-to-face computer-assisted personal interviews (CAPI) sa 1,200 adults sa bansa.