SA hangarin tiyakin na hindi mapipinsala ang kalikasan, bantay-sarado na sa Philippine Coast Guard (PCG) ang isang oil tanker matapos sumadsad sa baybaying dagat sa bayan ng Burgos sa lalawigan ng Surigao del Norte.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ng PCG ang MT Cheng Xian Feng 168 na anila’y sumasailalim sa monitoring at assessment. Kasalukuyang nakahimpil ang naturang barko sa baybaying sakop ng Barangay Poblacion Uno ng nasabing lokalidad.
Paglilinaw ni Coast Guard Spokesperson Captain Noemie Cayabyab na walang oil spill na nakita sa lugar. Gayunpaman, patuloy pa rin aniya ang technical assessment at verification, para matiyak na walang paglabag sa marine environmental protection.
Samantala, tiniyak naman ng PCG na nasa maayos na kalagayan ang siyam na tripulanteng Pinoy na lulan ng Cheng Xian Feng 168 na nagmula sa Cagayan de Oro City, Misamis Oriental at patungo sana sa Homonhon, Leyte.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na nagka-aberya ang makina ng barko habang naglalayag. Subalit dahil sa lakas ng alod, napadpad ang sasakyang dagat na kargado ng 3,500 litro ng krudo sa dalampasigan.
Inaasahan naman ang pagdating ng towing boat para hilahin ang sumadsad na barko. (JULIET PACOT)
