PERSONAL na pinangunahan nina Tingog Party-list Representatives Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre ang pagbubukas ng apat pang Alagang Tingog Centers (ATC) sa lalawigan ng Bohol kamakailan.
Batay sa pinakahuling bilang pumalo na sa 80 ang kabuuang bilang ng ATC sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan.
Bukod sa pagpapasinaya ng ATC, pinamahalaan din nina Romualdez, may-bahay ni Speaker Martin Romualdez at siya ring chairperson ng House Committee on Accounts, at ni Acidre ang pamamahagi ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay Acidre, nasa tig-1,000 benepisyaryo mula sa mga bayan ng Ubay, Sierra Bullones, Balilihan at Tagbilaran ang nakatanggap ng P5,000 tulong pinansyal mula sa DSWD.
Ang Tingog party-list naman ay nagkaloob ng grocery bags, refrigerator units sa bawat nasabing mga bayan sa Bohol, habang may isang indibidwal naman ang pinalad na tumanggap ng motorcycle unit.
Kasabay ng pag-arangkada ng ATC sa naturang lalawigan, hinikayat din ni Acidre ang mga Boholano na dumulog sa Tingog partylist kung kinakailangan nila ng hospital, burial, transportation o kaya’y educational assistance.