ISANG barko ang lumubog sa pagitan ng Romblon mainland at Sibuyan Island sa lalawigan ng Romblon, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Gayunpaman, nilinaw ng PCG na wala maski isang tripulante ng landing craft transport (LCT) San Juan Bautista ang nasawi o nasaktan sa insidenteng naganap noong Lunes.
Sa ulat ng bantay-dagat, agad na sumaklolo ang mga mangingisdang sakay ng isang fishing vessel na tyempong naglalayag patungo sa Negros Occidental kung saan dinala ang mga nasagip na tripulante.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng PCG ang dahilan ng paglubog ng barko na may dalang 2,500 litro ng krudo, habang patuloy ang paghahanap sa eksaktong lokasyon kung saan lumubog ang LCT San Juan Bautista. (JIMMYLYN VELASCO)
