
MATAPOS patawan ng suspensyon ang isang huwes ng Pasay City Regional Trial Court, sinibak naman ngayon bilang abogado ang Vice Executive Presiding Judge mabistong bahagi ng ghost employee fiasco.
Sa kalatas ng Korte Suprema, kinilala ang huwes na si Sharon Alamada-Magayanes na tumayong Vice-Executive Judge and Presiding Judge ng Calamba Municipal Trial Court Branch 3.
Sa impormasyong ibinahagi ng Korte Suprema, napatunayang nagkasala si Magayanes sa kasong falsification, serious dishonesty, gross misconduct, Commission of Crimes Involving Moral Turpitude, at paglabag sa New Code of Judicial Conduct.
Ayon sa Korte Suprema, inamin ng hukom na sa kanya ang mga pirma sa payroll registers ng lokal na pamahalaan ng lokal na pamahalaan ng Calamba na may kinalaman sa kanyang contractual driver .
Sa isinagawang pagdinig, nabuking na matagal na pala nagresign sa trabaho ang empleyado dinestino ng lokal na pamahalaan sa kanyang tanggapan bilang driver.
Lumalabas din na si Magayanes ang may hawak ng ATM ng hindi pinangalanang empleyado.
Bukod kay Magayanes, hinatulan din na guilty sina Rachel Worwor-Miguel (Clerk of Court III) at Beverly A. De Jesus (Court Stenographer II) sa kasong Falsification of Official Documents and Serious Dishonesty dahil sa pagpirma nila sa mga payroll registers kahit batid naman nilang nagbitiw na ang driver ng huwes.
Paalala ng Korte Suprema sa nasa hudikatura, magsilbing huwaran at magpamalas ng mataas na antas ng work ethics.