SA tindi ng nerbiyos at takot na mabulilyaso, iniwan na lang ng hindi pa natutukoy na drug courier ang nasa P10-milyong halaga ng droga sa loob ng banyo ng isang kainan sa bayan ng Candelaria sa lalawigan ng Quezon.
Sa paunang ulat ng Quezon Provincial Police Office, tumimbang sa mahigit kalahating kilo ng shabu ang nadiskubre ng isang service crew na maagap pinaalam sa pulisya hinggil sa natagpuang droga.
Ayon kay Quezon Provincial Police chief Col. Ledon Monte, pumasok di umano sa nasabing restaurant ang ilang police patrollers upang kumain na posibleng naging dahilan kung bakit iniwan ang nasabing kontrabando.
Patuloy naman ang isinasagawang pagrerepaso ng CCTV sa loob ng sangay ng Mang Inasal sa nasabing bayan sa hangaring matukoy ang pagkakakilanlan ng taong may dala ng naturang kontrabando.
“Sa pangyayaring ito, makikita natin na malaki ang maitutulong ng mga kababayan natin sa ating kampanya laban sa iligal na droga. Nagpapasalamat tayo sa mga staff at management ng Mang Inasal dahil sa tama at mabilisang nilang pagtugon matapos madiskubre na may kontrabando sa kanilang lugar,” pahabol ni Monte.