IMINUNGKAHI sa Metro Manila Development Authority (MMDA) ng mga kumpanyang nagmamay-ari ng mga pampasaherong bus na pumasada sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue na tanggalin na ang EDSA Bus Carousel, kasabay giit na ibalik na lang sa dati ang sistema.
Katwiran ng Mega Manila Consortium na binubuo ng mga operator ng bus, malaki na ang nawawala nilang kita mula nang ipatupad ang EDSA Bus Carousel Lane noong buwan ng Hunyo taong 2020.
Hiling din ng Mega Manila Consortium, ibigay sa kanila ang dalawang ‘outer lanes’ sa kahabaan ng EDSA at ang pagbabalik ng 14 bus stop sa naturang kalsada.
Tugon naman ni MMDA Chairman Romando Artes, tanging ang Department of Transportation (DOTr) lamang di umano ang pwedeng magpasya sa naturang usapin.
“It is the DOTr that must decide whether or not the EDSA Bus Carousel must be removed,” ani Artes.
Paliwanag ng opisyal, ginastusan ng malaking halaga ng DOTr ang proyektong EDSA Bus Carousel na nasa gawing kaliwa ng magkabilang panig ng pangunahing daluyan ng trapiko.
Subalit para kay Artes, hindi angkop na tanggalin ang EDSA Bus Carousel na sadya aniyang dinisenyo para maiwasan ang siksikan ng mga sasakyan sa EDSA. Hindi rin kumbinsido ang MMDA chief sa dawang outlanes na inaarbor ng Mega Manila Consortium.
“Bringing back passenger buses along EDSA under the old system would cause traffic congestion since the lanes were narrowed to accommodate the bicycle lane.”