HIMALANG nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang kontrobersyal na drug lord na kandidato para mayor ng Albuera, Leyte matapos barilin sa gitna ng pangangampanya sa Barangay Tinag-an.
Ayon sa lokal na pulisya, nakatalikod umano si self-confessed drug lord Kerwin Espinosa nang barilin ng hindi pa nakikilalang suspek na umano’y nagtago sa kisame ng entablado kung saan nakatakdang magtalumpati ang kandidato.
Bukod kay Espinosa, sugatan din sa pamamaril si Mariel Espinosa Marinay na tumatakbong vice mayor at isang hindi pinangalanang menor-de-edad.
Agad namang isinugod sa pagamutan si Espinosa na natamo ng tama ng bala sa balikat.
Samantala, patuloy ang pulisya sa pagtugis sa suspek.
Sa isang pahayag, kinondena ni Commission on Elections Chairman George Garcia ang tangkang pagpaslang kay Espinosa.
“Any act of violence should be condemned by anyone. The perpetrators must be unmasked and brought to justice immediately. Election is never about killing but is instead the giving of life to our democracy. Ballots not bullets is the answer to our problems,” wika ng Comelec chief. (EDWIN MORENO)
