WALA ng buhay nang matagpuan sa bayan ng Montalban ang Chinese national na una nang napabalitang dinukot ng isang sindikato sa Valenzuela City dalawang linggo na ang nakalipas.
Kinilala ang biktima sa pangalang Congyuan Guo (alyas Anson Tan at Anson Que), isang Chinese national na kabilang sa mga dayuhang idinadawit sa illegal POGO. Bukod kay Que, kasamang natagpuan sa Barangay Macabud sa Montalban, Rizal ang bangkay ng driver na si Armin Pabillo.
Sa isang pulong-balitaan, inamin ni Brig. Gen. Jean Fajardo na tumatayong tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), na nakapagbigay ng P100 milyong ransom ang pamilya ni Que sa mga kidnapper.
Gayunpaman, nilinaw ni Fajardo na may “persons of interest” na ang PNP. Katunayan aniya, nangangalap na ng ebidensya ang pambansang pulisya sa isang sindikatong kinabibilangan ng mga Pinoy at mga dayuhan.
Ipinag-utos na rin umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang imbestigasyon sa kidnapping at pagkamatay ng ni Que.
Samantala, tuluyan nang sinibak sa pwesto ni PNP chief Gen. Rommel Marbil si PNP-Anti-Kidnapping Group chief Brig. Gen. Elmer Ragay dahil sa naturang insidente.
“We would like to confirm na-relieved po as Director AKG si General Elmer Ragay,” wika ni Fajardo.
Ayon kay Fajardo, lubhang nadismaya ang hepe ng pambansang pulisya — “Ito lang po ang pinapasabi ni Chief… He is not satisfied with the performance. That is why he was relieved and replaced.”
Matapos sibakin si Ragay, agad na itinalaga si Criminal Investigation Group (CIDG) deputy director for operations Col. David Poklay.
Buwan ng Pebrero nang unang sibakin si Ragay kaugnay ng pagdukot sa isang menor de edad na Chinese national. Gayunpaman, agad na ibinalik sa pwesto ang noo’y PNP-AKG chief dahil sa umiiral na election ban. (EDWIN MORENO)
