NAGSUSUMIKAP ang single mom na si Berlin Alayne Calderon para matustusan ang kanyang dalawang anak nang maganap ang hindi inaasahan – nabalian ng braso sa isang hit-and-run incident na dahilan para huminto sa trabaho.
“Ang hirap po kasi nasa akin ang mga anak ko at ako po ang bumubuhay sa kanila. Hindi po ako makapagtrabaho lalo na po’t nag-aaral ang dalawang anak ko,” sabi niya sa ilang tauhan mula sa tanggapan ni Senador Alan Peter Cayetano na dumayo pa sa San Fernando City sa Pampanga para sa isang medical caravan.
Ani Calderon, ilang buwan na siyang naghahanap ng tulong para maoperahan ang kanyang braso ngunit nakatanggap lamang siya ng tulong sa ilalim ng medical program ng senador.
“Kung saan-saan napupunta pero walang tulong. Buti na lang kanina bago kami umuwi, nakita namin itong medical assistance desk ni Senator Cayetano at makakapag-opera na ako,” wika niya.
Mangiyak-ngiyak siya habang nagpapasalamat sa medical assistance na ibinigay sa kanya dahil aniya, sa wakas ay maooperahan na siya at makakabalik na sa trabaho.
Isa lamang si Calderon sa higit 100 pasyenteng nakatanggap ng tulong sa pamamagitan ng medical caravan na inorganisa ni Cayetano sa Jose B. Lingad Memorial General Hospital (JBLMGH).
Ginawa ang caravan sa pakikipag-ugnayan sa Department of Health (DOH) Center for Health Development Central Luzon sa ilalim ng DOH Medical Assistance to Indigents Patients Program (DOH-MAIPP), at sa pakikipagtulungan nina JBLMGH Medical Chief II Dr. Monserrat Chichioco at Medical Social Services Department Head Jovita Baybayan.
Nakapag-abot ng tulong ang medical caravan ni Cayetano sa mga pasyente mula sa iba’t ibang panig ng Central Luzon tulad ng Pampanga, Bulacan, Tarlac, at Nueva Ecija. Ilang miyembro din ng Aeta indigenous group ang natulungan.
Karamihan sa mga pasyente — na may dinadaing na chronic kidney disease, hypertension, at problemang orthopedic at pediatric — ay nakatanggap ng tulong na pambayad sa hospital bill, laboratory, dialysis, medical procedure, at mga gamot.
Bilang senior na senador, matagal nang nagtatag ng isang medical assistance program si Cayetano upang tulungan ang mga maralitang Pinoy sa kanilang pangangailangang medikal.
Sa kanyang pagbabalik sa Senado noong nakaraang taon, inakda ni Cayetano ang ilang panukalang batas na may kinalaman sa kalusugan tulad ng Barangay Health Centers Act (Senate Bill No. 303), Super Health Centers in All Cities and Municipalities (Senate Bill No. 304), ang Health Passport System Act (Senate Bill No. 60), ang Mahal ko, Barangay Health Worker Ko Law (Senate Bill No. 68), at Floating Hospitals Act (Senate Bill No. 305).
Mula noong Oktubre 2022, nakapag-abot na ang tanggapan ni Cayetano ng tulong medikal sa mahigit isang libong pasyente mula sa buong bansa.