SANTAMBAK na droga mula sa Guinea, South Africa ang sinamsam ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang inspeksyon sa isang bodega sa Pasay City, ayon kay Customs Deputy Commissioner Juvymax Uy.
Sa kalatas ng kawanihan, hagip sa pinagsanib na operasyon ng BOC-Port of NAIA at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang halos 59 kilong shabu na ikinubli sa mga kargamentong nakabarega sa Pair Cargo Warehouse sa lungsod ng Pasay.
Ayon kay Uy, aabot sa P400.72 milyon ang kabuuang halaga ng drogang nabisto matapos sumailalim sa x-ray inspection ang kargamentong idineklarang piyesa ng mga sasakyan, batay sa mga nakalap na dokumento.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng PDEA sa hindi pa tinukoy na consignee na posibleng sampahan ng kasong paglabag ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) at RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act).
Matapos ang tagumpay na operasyon, tiniyak naman ni BOC-NAIA District Collector Carmelita Talusan, mas paigtingin pa ng kanyang nasasakupang distrito ang mahigpit na pagbabantay sa mga kargamentong lumalapag sa Ninoy Aquino International Airport.
“The BOC-NAIA, under the guidance of Commissioner Bienvenido Y. Rubio, is steadfast in protecting the country against any form of smuggling, aligned with the directives of President Ferdinand Marcos, Jr,” ani Talusan.
Sa bukod na pahayag, binigyang pagkilala ni Rubio ang agresibong tugon ng mga opisyal at kawani sa direktiba ng Pangulo.