PINAGBABARIL at napatay ang isang labor organizer ng umano’y tauhan ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa kanilang bahay sa Binangonan, Rizal.
Sinabi ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na naganap ang pagpaslang kay Jude Fernandez noong ika-29 ng Setyembre sa sinasabing insidente ng “extrajudicial killing” o EJK.
“Ayon sa ulat na aming natanggap, pinasok ang kanyang bahay na tinutuluyan sa Binangonan, Rizal. Hahainan diumano siya ng search warrant,” wika ng KMU sa isang pahayag.
“Ipinapalabas ng PNP CIDG na ‘nanlaban’ umano si Fernandez, dahilan upang paputukan nila ito hanggang maideklarang ‘dead on the spot.’ Tuwiran naming pinabubulaanan ang naratibong ito. Si Fernandez ay organisador ng mga manggagawa, hindi armado.”
Kasalukyang nag-oorganisa si Fernandez sa komunidad ng mga manggagawa upang mapalahok sila sa kampanyang dagdag-sahod at karapatan sa paggawa.
Nagsimulang maging aktiboo sa kilusang manggagawa si Fernandez noon pang Batas Militar ng diktador at dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Wala pa ring pahayag ang PNP sa insidente.
Si Fernandez ang ika-72 biktima ng labor-related killings simula 2016, ayon sa naturang pederasyon ng unyon ng mga manggagawa. Siya rin ang ikaapat matapos ang International Labor Organization (ILO) High Level Tripartite Mission noong January 2023.
Inihahalintulad ng KMU ang naturang pagpaslang sa mga unyonistang sina Dandy Miguel, Manny Asuncion, Alex Dolorosa atbp. nitong mga nakalipas na taon.