BISTADO sa mga miyembro ng lokal na konseho ang pagsisinungaling ng isang opisyal na Meralco matapos isalang sa sesyon Sangguniang Panlungsod ng General Santos City kaugnay ng panukalang takeover sa electric cooperative sa South Cotabato.
Sa ginanap na pagtitipon ng mga konsehal ng lungsod, diretsahang tinanong ni Konsehal Richard Atendido si Meralco Senior Vice President Arnel Paciano Casanova hinggil sa planong stock conversion para sa South Cotabato II Electric Cooperative (SOCOTECO). Si Casanova ang tumatayong hepe ng Distribution Utility Strategic Partnerships ng dambuhalang utility company.
Ayon kay Casanova, meron na aniyang partnership ang Meralco sa Batangas Electric Cooperative at Pampanga Electric Cooperative II.
Dito na sinopla ni Atendido si Casanova.
Ayon sa konsehal, taliwas ang tinuran ng Meralco executive kumpara sa nakalap na impormasyon sa mismong website ng mga nabanggit na electric cooperative.
Giit ni Atendido, nasa “proposal stage” pa lang ang usapin ng stock conversion para sa Batangas Electric Cooperative II.
Hindi rin aniya totoong may stock conversion deal na ang Meralco sa Pampanga Electric Cooperative II. Katunayan aniya, ang umiiral na kasunduan ay isang Investment and Management Contract na taliwas sa paandar ni Casanova.
Mahigpit na tinututulan ng mga residente ng South Cotabato ang pagpasok ng Meralco sa local electric cooperative sa nasabing probinsya.
