Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
PORMAL na nanumpa kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez si Laguna Governor Ramil Hernandez, kasama ang pito pang opisyal ng nasabing lalawigan bilang mga bagong kasapi ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD).
Ayon kay Speaker Romualdez na tumatayong presidente ng partido, malugod na tinatanggap ng Lakas-CMD ang grupo ni Hernandez sa pag-anib sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, bilang suporta sa administrasyong Marcos.
“Together, we can fulfill our dream of a Bagong Pilipinas for our people,” pahayag ni Speaker Romualdez matapos pangasiwaan ang panunumpa ng mga bagong miyembro ng partido.
Kumbinsido rin si Romualdez na marami pang local executives ang lulundag para samahan ang ruling coalition bilang paghahanda sa 2025 midterm election.
“Naturally, they would like to gravitate towards the coalition,” anang Leyte solon.
Kasama ni Hernandez sa pagpasok sa Lakas-CMD ay sina Board Member Magtanggol Jose Carait III, Mayor Dwight Kampitan, Vice Mayor RJ Kampitan, at Councilors Florencio Laraño, Homer Herradura, Analyn Nava, at John Paul Pahutan mula sa bayan ng Victoria.
Nanumpa rin bilang kapanalig ang mga dating local officials ng naturang bayan na sina John Patrick Cambe at Lester Rebong.
Kamakailan lang, nanumpa bilang kasapi ng partido ang nasa 30 alkalde mula sa mga lalawigan ng Bulacan at Bukidnon.
