Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA paghupa ng sabayang epekto ng mainit na panahon at El Niño phenomenon, nanawagan ang liderato ng Kamara sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan para sa paghahanda laban sa dagok ng La Niña.
Partikular na tinukoy ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pagtataya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa aniya’y nakaambang pagbaha at pananalanta bunsod ng labis-labis na pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa.
Mungkahi ni Romualdez sa mga tanggapan ng gobyerno, agad na bumalangkas ng contingency plans para mapagtuunan ng Kongreso ang paglalaan ng pondo.
“We are here with you, tell us what you need to ensure we are sufficiently prepared for La Nina. We are here to support you,” garantiya ni Romualdez alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Atas ng Pangulo, maglatag ng preventive measures upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan sa nakaambang sakuna dulot ng inaasahang sukdulang ulang posibleng humantong sa mapaminsalang baha.
“We pledged all-out support of the House to all the concerned departments and agencies to ensure anti-flood initiatives, including dredging activities, are properly implemented promptly,” anang lider ng Kamara sa isang pulong kasama ang mga punong abala mula sa iba’t ibang kagawaran.
Kabilang sa mga dumalo sa pulong na pinangasiwaan ni Romualdez sina Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, Department of Science and Technology (DOST) Sec. Renato Solidum, Jr., Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Maria Antonio Yulo Loyzaga, Metro Manila Development Authority (MMDA) General Manager Procopio Lipana at Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Lord Villanueva.
“We urge all stakeholders, including national and local government agencies, the private sector, and our communities, to actively participate in these initiatives,” panawagan pa niya.
“Dapat naman po sumunod tayo sa mga protocols dito sa paglilinis at pagtatapon ng basura dahil napaka importante po na maayos ang ating mga areas kung saan tayo nakatira para maganda ang daloy ng tubig pag malakas ang ulan,” apela ng ng Leyte lawmaker sa publiko.
Kabilang sa mga nais paghandaan ni Romualdez ang epekto ng La Niña sa negosyo, agrikultura at iba pang sektor.
“Together, we can build a more resilient Philippines capable of withstanding the challenges posed by natural calamities.”
