
HINDI pa man dumarating ang problema, dapat ngayon pa lang pinaghahandaan na, ayon sa Department of Transportation (DOTr) kaugnay ng planong mass transit sa apat na lalawigan sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Sa isang kalatas, inihayag ng DOTr ang pag-aaral na isasagawa sa hangaring pataasin ang antas ng kalidad ng public transportation.
Bilang paunang hakbang, inilahad ng departamento ang pagbabayad para sa mga consultancy services para sa pre-investment studies hinggil sa upgrade ng mass transit sa mga probinsya ng La Union sa Luzon, Bohol sa Visayas at mga lalawigan ng Cagayan de Oro at Zamboanga sa Mindanao.
Hinahanda na anila ang public bidding para sa target na consultancy services na isasagawa sa mga nabanggit na lalawigan.
Batay sa datos ng DOTr, naglaan ang ahensya ng tumataginting na P61.23 milyon para sa consultancy services na isasagawa sa La Union, P61.92 milyon para sa Bohol, P61.23 million para sa Cagayan de Oro, at P60.04 million para sa Zamboanga.
Bagamat una nang lumutang ang balita sa planong pagpapatayo ng mga rail transit services sa iba’t-ibang bahagi ng bansa, hindi binanggit ng DOTr kung anong uri ng “modernisasyon” ang target itaguyod sa apat na lalawigan.
Inanyayahan din ng DOTr ang mga kwalipikadong consultancy firms na lumahok sa isasagawang bidding sa Hulyo 24 na punong tanggapan ng nasabing departamento.
Nakapaloob sa draft consultancy contract, meron lang 240 araw ang mananalong bidder para isagawa at isumite ang resulta ng ang pag-aaral sa mga nabanggit na probinsya.