
Ni EDWIN MORENO
MATAPOS tanggalan ng kapangyarihan pangasiwaan ang lokal na pulisya, sinibak naman ng Philippine National Police (PNP) ang 49 pulis na nakatalaga sa Bamban, Tarlac kung saan nagsisilbing alkalde ang kontrobersyal na si Mayor Alice Guo.
Sa isang pulong-balitaan, kinumpirma ni Col. Jean Fajardo na tumatayong tagapagsalita ng pambansang pulisya ang relief order sa 49 kabaro mula sa Bamban Municipal Police Station.
Ani Fajardo, pansamantalang inilipat ang 49 pulis sa Regional Personnel Holding and Accounting Unit ng PNP Central Luzon Regional Office, upang bigyang-daan ang malalimang imbestigasyon kaugnay ng ilegal na operasyon ng POGO sa naturang lokalidad.
Samantala, nagpadala na rin ang PNP ng 49 pulis mula sa PNP regional office at 2nd Mobile Force Company na nasa mga bayan ng Capas at Tarlac.
“Sasa-ilalim sila doon sa tinatawag nating focused reformation and reorientation for police officers, yung tinatawag nating FORM diyan,” wika ni Fajardo.
Isasagawa ani Fajardo ang reorientation sa PNP Training Service School for Values and Leadership sa Subic, Zambales.
Bago pa man ang sabayang relief order, una nang sinibak ang dating hepe ng lokal na himpilan ng pulisya bunsod na nadiskubreng bulilyaso sa operasyon ng Zun Yuan Technology Inc.
“If you may recall, this is not the first time that we relieved police officers and many of them are commanders. It’s not only our ordinary police officers who are involved in illegal activities, neglect of duty or serious irregularity in the performance of duty because we are also holding their immediate supervisors accountable, which include chiefs of police,” paliwanag ng PNP spokesperson.