PATAPOS na ang tag-init subalit nananatiling nakalubog sa tubig baha ang mga paaralan sa lalawigan ng Bulacan ilang araw bago sumapit ang pagbubukas ng klase.
Sa isang kalatas, kinondena ng grupong Teachers’ Dignity Coalition (TDC) ang pamahalaan sa anila’y kabiguan tugunan ang suliranin sa 44 paaralan sa mga bayan ng Hagonoy, Paombong at Calumpit sa nabanggit na lalawigan.
Ayon sa TDC, lubhang apektado ng high tide, pag-apaw ng ilog at tuloy-tuloy na pag-ulan ang mga paaralan – bagay na dapat sana’y nasolusyonan kung hindi inuna katiwalian sa likod ng mga flood control projects ng pamahalaan.
Pangamba ng grupo, lubhang delikado para sa mga mag-aaral at maging sa hanay ng mga guro lumusong sa tubig bahang posible anilang pagmulan ng sakit ng dengue.
Panawagan ang grupo sa pamahalaan, agarang tugunan ang problema upang matiyak ang ligtas at maayos na pagbubukas ng klase sa darating na pasukan.
