AANHIN pa ang damo kung patay na ang kabayo? Ito marahil ang hinanakit ng mga kaanak ng isang nanay na nasawi habang nakapila sa Mandaue City para sa pangakong ayuda ng pamahalaan.
Sa isang kalatas, nagpahayag ng pakikidalamhati ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamilya ng isang Mary Chris Cuizon na nasawi habang sumasailalim sa verification process para sa Emergency Cash Transfer payout.
“We, at the Department of Social Welfare and Development (DSWD), extend our deepest condolences to the family and loved ones of Mary Chris Cuizon… we stand in solidarity with those affected during this difficult time and reaffirm our commitment to the safety and well-being of all our beneficiaries,” pahayag ng DSWD.
Bagamat hindi na nakuha ni Cuizon ang ayuda, nagbigay umano ang kagawaran ng P10,000 food assistance sa pamilya ni Cuizon. Pangako ng departamento, maglalaan din ng burial assistance paglabas ng death certificate.
Samantala, nagbigay rin umano ang Mandaue City Social Welfare Development Office ng P30,000 cash assistance, gayundin ang P5,250 Emergency Cash Transfer assistance.
Nagsagawa rin umano ng debriefing session ang mga personnel ng DSWD sa pamilya ng biktima sa pamamagitan ng WiSupport, ang programa ng ahensya para sa pagbibigay ng psychological support.
Paalala ng DSWD sa mga lokal na pamahalaan, tiyakin maayos at sistematiko ang verification at payout activities. Dapat rin anilang maglagay ng dedicated lanes para sa senior citizens at buntis, at ang pagtatalaga ng response teams upang mabantayan ang kondisyon ng mga benepisyaryo.
