
DOBLE dagok ang inabot ng isang talunang politiko mula sa Baguio City matapos dakpin ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa umano’y panunuba para makalikom ng sapat na pondo para sa kampanya.
Sa ulat ng NBI-Pampanga District Office kay NBI Director Jaime Santiago, kinilala ang suspek sa pangalang Mark na sinasabing kumandidatong mayor sa Baguio City noong nakaraang halalan.
Batay sa impormasyong ibinahagi ng NBI-Pampanga District Office, dinakip si Mark sa Clark Villas Freezone Building sa Mabalacat, Pampanga sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Heherson Almodia Casareno ng Baguio City Regional Trial Court – Branch 79 kaugnay ng kasong estafa at falsification of documents.
Nag-ugat ang kaso matapos magreklamo ang biktimang umano’y pinagsanlaan ng condo unit na kalaunan ay nabibistong pag-aari ng iba. Peke din umano ang mga dokumentong ipinrisinta at ipinrenda sa biktima. (ITOH SON)