SA gitna ng kabi-kabilang atake sa social media, kumbinsido ang isang mambabatas na may nagsusunog ng milyones para lang sirain at idawit ang ang kanyang pangalan sa katiwalian. Para kay Deputy Speaker at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V, kapuna-puna ang online campaign lalo pa’t gumagamit ng mga lumang larawan at video ng mga ilog na pinalabas aniyang pagbaha sa mga komunidad sa nasasakupang distrito. Sa pagtataya ni Ortega, hindi bababa sa P5 milyon ang pondong inilaan sa inilunsad na “demolition job” kung saan ikinakalat ang umano’y matinding pagbaha sa unang distrito ng La Union.⠀ “Unang-una, ginastusan po nila tayo. Sa tantsa po natin, mga limang milyon po yung ginastos nila para lang siraan po at takutin yung mga tao sa aming probinsya,” anang ranking House official. “Puro naman po coordinated attacks po na galing po sa kakaibang kampo. Yung mga iba pong videos na pinapalabas, saka splice videos po, ilog po yon… yung mga malalaking ilog namin dito sa probinsya ng La Union,” dagdag niya. “Hindi po yun mga communities o mga… o mga parte ng mga malalaking komunidad, ilog po yun na malakas po yung flow,” paliwanag pa ni Ortega. Giit ng La Union solon, mismong ang mga mamamayan ng lalawigan na nakaranas ng pagbaha ay makapagsasabing sa kung ano ang totoong sitwasyon kumpara sa gustong ipalabas sa social media ng mga tinawag niyang “detractors.” Taliwas naman aniya sa kumakalat na video, tahasang sinabi ni Ortega na sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng 60 taon, flood-free na ang San Fernando Central Business District sa kabila pa ng matinding buhos ng ulan bunsod ng habagat at pagdaan ng ilang bagyo. “First time po in 60 years na ang Central Business District po ng San Fernando (City) ay hindi binaha. Maganda rin po na malaman yan,” pahayag ng kongresista. Tinukoy ni Ortega ang naiibang engineering solution na ipinatupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa naturang lugar, na sa halip na flood control projects ay cistern at comprehensive drainage system ang inilatag. Batay sa disenyo ng proyekto pinagdugtong ang main drainage network ng lungsod upang matiyak na dadaloy ng maayos ang tubig baha. “Solution po na kailangan gawin doon is cistern and ‘yung comprehensive po na drainage na kukonekta po doon sa master drain po yung malaki po namin na drainage malapit sa DMMMSU, sa DMMMSU University at saka doon po sa may monumento at doon po sa malapit po sa aming city proper,” sabi pa ni Ortega. Bilang bahagi ng nationwide anti-flooding campaign, ipinabatid ng mambabatas na noon pang nakaraang Hunyo o bago pa pumasok ang panahon ng tag-ulan ay nagsagawa ng malawakang waterway clearing at drain maintenance operations sa La Union ang DPWH. Kaya naman aniya kahit may ilang pagbaha, ipinagmamalaki niya ang mabilis na paghupa ng baha. Hindi tulad ng dati, hindi na rin halos nakapagdala ng malaking abala o pinsala ang masamang panahon sa mga mamamayan at maging sa komunidad na tinitirhan. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Term extension ni Kapitan, tatalupan muna ni Marcos