
Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN
“SAAN kayo kumukuha ng kapal ng mukha? Lagi kayong brownout tapos mag-increase pa kayo!”
Ito ang mainit na pananalitang binitiwan ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo bunsod ng pagkairita sa pamunuan ng Palawan Electric Cooperative (PALECO).
“I think it’s high time that the Committee on Franchise will have to review the franchise of PALECO. We need to get rid of this company. Since 1974, people of Palawan have been suffering the same problem over and over again,” hirit ng ranking House official sa pagdalo sa idinaos na pagdinig sa Kamara kahapon.
Sa naturang committee hearing, ginisa ni Tulfo ang PALECO partikular sa isyu ng “sufficiency, reliability, and affordability” ng suplay ng kuryente sa lalawigan ng Palawan kung saan dumadaing na umano ang mga mamamayan sa lalawigan ng Palawan dahil sa dinaranas na brownout na tumatagal ng apat hanggang limang oras kada araw.
Lalo pang nadismaya si Tulfo matapos aminin ni PALECO General Manager Engr. Rez Contrivida na noong nakaraang taon ay nagpatupad sila ng power rates increase, na mula sa P13.67 ay ginawang P14.71 per kilowatt hour.
“How can you do that? Hindi ba kayo nahihiya sa mga taga-roon,” iritableng reaksyon ng mambabatas.
Kaya naman maging ang Energy Regulatory Commission (ERC) ay inusisa kung paano nakalusot ang hiling ng nasabing electric cooperative na magtaas ng singil sa mga consumer sa kabila ng palpak na serbisyo.
Binigyan-diin ni Tulfo mayroon siyang pagmamalasakit sa mga mamamayan ng Palawan kung saan aniya siya namulat sa tunay na katayuan ng power supply sa naturang lalawigan.
“Taga doon po ako. I was raised in Palawan, I was there since 1972. Alam ko na binuksan kayo nung 1974, same freaking problem up to now, 2024 na po tayo. Same problem, brownout. Punong-puno na ng text ang cellphone ko ng mga kaklase ko roon na nagsisinungaling ka raw, na 30 minutes lang ang brownout,” paglalahad pa ng ACT-CIS partylist solon.
Samantala, sinegundahan naman ni Palawan 2nd District Rep. Jose C. Alvarez ang lahat ng banat ni Tulfo kung saan hiniling din niya sa lahat ng opisyal ng PALECO na maghain ng kanilang resignations dahil na rin sa paninindigan ng mga ito na maganda naman umano ang kanilang naibibigay na serbisyo.
“Tinutulungan namin kayo dito sa Kongreso para solusyunan ang problema, pero hindi niyo inaamin na may pagkukulang kayo, so paano namin kayo tutulungan? Dapat siguro mag-resign na kayo,” dugtong ni Alvarez.