ANG salaping dapat sana’y pandagdag sa gastusin sa operasyon ng pasyente, tinangay ng isang dorobong nagpakilalang empleyado ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Paglilinaw ng DSWD, hindi empleyado ng anumang tanggapan ng nasabing ahensya ang nanloko sa ama ng conjoined twins sa Tagum City sa Davao del Norte, kasabay ng babala sa publiko laban sa anila’y malinaw na modus.
Batay sa paunang ulat na natanggap ng DSWD, isang nagpakilalang empleyado ng ahensya ang lumapit sa pamilya ng conjoined twins at pinangakuan sasagutin ang anumang kulang pa sa P50,000 na donasyon sa GCash account ng biktima.
Kwento ng biktima, hiningi di umano ng scammer ang one-time-pin (OTP) sa GCash account kung saan nakalagak ang nakalap ng donasyong panustos sa operasyon ng mga anak na magkadikit nang iniluwal ng iba.
Sa paniwalang ligtas ang donasyon dahil hawak naman niya ang kanyang telepono, agad naman di umano ibinigay ng biktima ang OTP sa nagpakilalang taga-DSWD. Nung i-check ang kung may nadagdag sa salaping ambag ng mga kakilala at mga nag kawanggawa, wala na umanong laman ang kanyang GCash account.
“The DSWD strongly reminded the public to be vigilant in giving out personal information and to not entertain individuals, especially those who communicate through online platforms and/or mobile phone calls, identifying themselves to be officials or employees of the Department promising assistance or help,” pahayag ng ahensya.
Nakipag-ugnayan na ang DSWD sa pamilya at nagpaabot ng ₱5,000 financial aid bilang paunang tulong sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program.