PARA sa isang kongresista sa Kamara, angkop lang na dagdagan ang pribilehiyo ng mga nakatatanda – higit pa sa 20% diskwento, depende sa edad nina lola at lolo.
Sa inihaing House Bill 7487, target ni Senior Citizen partylist Rep. Rodolfo Ordanes na amyendahan ang ilang tampok na probisyon sa ilalim ng umiiral na Republic Act 9994 (An Act Granting Additional Benefits and Privileges to Senior Citizens).
Partikular na isinusulong sa panukala ni Ordanes na palawigin hanggang 35% ang diskwento para sa mga indibidwal na edad 60-anyos pataas.
Paliwanag ng kongresista, mas malaki ang gastos ng mga senior citizens habang tumatanda at pahina ng pahina, kasabay ng giit na dagdagan ang diskwento ng mga lolo at lola bilang pagkilala sa ambag sa bansa.
Sa sandaling ganap na maging batas, 20% ang diskwentong matatanggap ng mga senior citizens na edad 60 hanggang 69-anyos.
Pagdating ng edad 70 hanggang 79, papalo na aniya dapat sa 25% ang diskwento, habang 30% naman para sa hanay ng mga matandang 80 hanggang 89 taong gulang.
Tumataginting na 35% naman ang pinakamalaking antas ng diskwentong nakalaan sa mga senior citizens na edad 90 pataas.
“Evidence from various studies shows that older senior citizens have greater financial needs than young senior citizens,” ani Ordanes.
Kalakip ng panukala ni Ordanes ang datos na kalakip ng 2020 report ng Philippine Statistic Authority (PSA) kung saan lumalabas na umakyat sa 6.3% ang unemployment rate sa hanay ng mga senior citizens mula sa 2.3% noong 2019.