PATULOY na inoobsebahan sa pagamutan ang isang operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos barilin sa ulo ng isang pinaniniwalaang tulak sa lungsod ng Calamba sa lalawigan ng Laguna.
Sa impormasyong ibinahagi ng ahensya, dakong alas 9:15 ng gabi noong nakaraang Linggo nang magsagawa ng buy-bust operation sa Barangay Real ng naturang lungsod ang PDEA Regional Office IV-A Regional Special Enforcement Team II laban sa dalawang hindi pinangalanang suspek.
Bukod sa PDEA, bahagi rin ng naturang operasyon ang Laguna Provincial Office, katuwang ang mga miyembro ng Calamba City Drug Enforcement Unit, laban sa dalawang hindi pinangalanang suspek.
Gayunpaman, agad na nakatunog ang ang mga suspek na PDEA agent ang kanilang ka-transaksyon. Dito na mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng kulay abong kotse na may plakang NIN-5940.
Habang tinutugis, nagpaputok ang mga suspek na ikinasugat ng isang PDEA agent. Mabilis isinugod sa pagamutan ang biktima.
“He showed remarkable courage under fire. In return, we will provide him with the best medical care and assistance to aid his full recovery. The Agency assures him that his welfare remains a priority and he is not alone in his recovery,” pahayag ni PDEA Director General Undersecretary Isagani R Nerez.
Patuloy pa ang malawakang manhunt laban sa mga suspek.
“PDEA will chase you down. There is no way you can outrun the long arm of the law,” babala ng PDEA chief. (LILY REYES)
