
ARESTADO ng Immigration officers sa Davao ang isang South Korean na nagpanggap na Pinoy.
Sinabi ni BI Intelligence Deputy Chief for Mindanao Melody Penelope Gonzales na hindi nakalusot sa kanila ang suspect na si Kim Jinkoon, 58, ng Sitio Mojon in Barangay Langub, Davao City.
Nabatid na si Kim ay isang pugante sa South Korea at nahaharap sa pitong mga kaso sa kanyang bansa. Kanselado na rin ng kanilang gobyerno ang pasaporte nito.
Nauna nang inaresto si Kim ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation Region XI matapos ireport ng Department of Foreign Affairs Region XI.
Sinabi na nagpanggap na Filipino si Kim at nagt-apply ng Philippine passport sa pangalang Allan Sun Duran.
Nagmatigas din si Kim nang arestuhin at pinanindigang Pinoy sya ngunit ayon sa record ng Korean government, deklaradong pugante ito.
Inamin din ni Kim kalaunan na nakakuha sya ng Philippine birth certificate noong 2008 sa tulong ng hindi kinilalang fixer.
Pansamantala itong nasa BI Davao District Office at ililipat sa Warden Facility sa Taguig bago ipatapon dahil sa pagiging overstaying.